'90% paralysis' sa NCR nakamit sa unang araw ng PISTON tigil-pasada
MANILA, Philippines — Idineklarang "matagumpay" ng ilang transport groups at kanilang tagasuporta ang unang araw ng tigil-pasada laban sa kontrobersyal na PUV modernization program at nakaambang na jeepney phaseout ng gobyerno.
Ito ang ibinahagi ng PISTON at No to PUV Phaseout Coalition sa isang paskil sa Facebook nitong Huwebes habang patuloy na iprinoprotesta ang December 31 deadline para magkonsolida sa mga kooperatiba.
"Dahil sa sama-samang pagkilos ng mga tsuper at operator... naabot natin ang 90% paralysis sa mga major routes sa NCR at 85% paralysis sa mga rehiyon labas ng NCR!" wika ng No to PUV Phaseout Coalition kahapon.
"[N]apalabas natin si LTFRB Chair Guadiz, at natuklasan nating si Bongbong Marcos ang nagtutulak na matuloy ang franchise consolidation sa December 31. Alam na natin ngayon kung sino ang tunay na sisingilin."
Hiningan ng Philstar.com ng komento ang Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa mga datos na ito ngunit hindi pa rin tumutugon.
Una nang sinabi ng gobyerno na pagbabawalan pumasada ang mga hindi makakapagkonsolida sa takdang panahon, habang bibigyan naman ng 27 buwan ang mga makagagawa nito para magtransisyon sa environmentally friendly e-jeeps at minibuses — bagay na umaabot ng P2.8 milyon kada unit.
Nasa 64,639 jeepneys (43%) at 6,756 UV Express (35%) units ang hindi pa nakakapagkonsolida, sabi ng IBON Foundation habang binanggit ang estima ng Department of Transportation (DOTr). Nangangahulugan ito ng posibleng pagkawala ng trabaho ng 140,000 drivers at operators.
Sa Metro Manila, tinatayang 26% ng mga jeep (10,973) at 34% ng mga UV Express (2,497) pa lang ang consolidated, bagay na maaaring makaapekto sa 9 milyong pasahero ng jeep sa punong rehiyon.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng LTFRB na 153,787 units (70%) na ang nakapagkonsolida, pero binatikos ito bilang "misleading" dahil kasama sa mga datos pati ang mga bus.
Kasalukuyang nasa ikalawang araw ng strike ang PISTON habang patuloy na nagkakampo sa labas ng LTFRB hanggang maibasura ang PUVMP at December 31 deadline.
"Kaya tuloy ang ating welga!" patuloy ng No to PUV Phaseout Coalition. "Strike para sa kabuhayan, sa pagbabasura ng franchise consolidation, at sa makamasang pampublikong transportasyon!"
Dayalogo sa LTFRB
Sa pahayag na inilabas ni LTFRB spokesperson Celine Pialago, sinabing may kinalabasan naman ang dayalogo nila sa PISTON.
Ilan daw sa mga naibigay na ang:
- pagpapasimple ng requirements sa consolidation
- pagpayag sa 2-3 kooperatiba kada ruta
- pagtanggal sa mga penalty
- pagpapahintuloy sa mga kooperatibong wala pang 15 units
Nadagdagan din aniya ang demands ng transport group:
- rehabilitasyon ng mga jeep, bagay na aprubado na ni Guadiz
- pagta-Tagalog sa Memorandum Circular
Paglilinaw din ng LTFRB, hindi sapilitan ang pagbili ng modern jeeps sa ngayon at "hindi pa" ife-phase out ang mga jeep. Aniya, makabi-biyahe pa rin ang mga tradisyunal na jeepney hangga't road worthy ang mga ito. Gayunpaman, nananatiling non-negotiable ang December 31 deadline para sa konsolidasyon.
- Latest