Bong Go sa pagtaas ng kaso ng flu: Magsuot ng face mask
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko na maging mapagbantay at sumunod sa mga protocol sa kalusugan, kabilang ang boluntaryong paggamit ng face mask hangga’t maaari.
Ginawa ni Go ang panawagan sa pagdalo niya sa groundbreaking ng Super Health Center sa Malabon City dahil sa pagkabahala sa tumataas na flu-like cases sa China at sa implikasyon nito sa bansa.
“Huwag tayong maging kumpiyansa... Kung hindi naman po sagabal sa parte ninyo, magsuot pa rin tayo ng face mask,” sabi ni Go.
Hinikayat niya ang boluntaryong pagsusuot ng face masks lalo’t nagawa na rin naman natin ito sa loob ng higit dalawang taon sa panahon ng pandemya.
Sa kasalukuyang ay hindi pa ipinapayo ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng border controls bilang tugon sa pagtaas ng respiratory illnesses sa China. Ang pagtaas ng mga kaso sa Beijing, pangunahin sa mga bata, ay kapansin-pansin mula noong kalagitnaan ng Oktubre. Bukod pa rito, noong Nobyembre ay may mga ulat ng hindi natukoy na pneumonia sa ilang ospital sa China.
Samantala, binigyang-diin din ni Go na nagsisikap ang gobyerno na magbigay ng accessible na healthcare, partikular sa maagang pagtuklas ng sakit.
“Nandiyan naman po ang mga Malasakit Centers, mga DOH hospitals, mga government hospitals, even private hospitals. Nandiyan din po ang inyong Super Health Center. Kaya nga po may Super Health Center para diyan na po gagawin ang mga early disease detection,” aniya.
Nanawagan din siya sa DOH na mahigpit na imonitor ang pagtaas ng kaso ng flu at sitwasyon sa ibang bansa.
- Latest