DOH nagbabala vs ‘walking pneumonia’
‘Magsuot pa rin ng face mask’
MANILA, Philippines — Naglabas na ng advisory ang Department of Health (DOH) ukol sa pagpapalakas ng “public health measures” kabilang ang boluntaryong pagsusuot muli ng face mask sa pampublikong lugar makaraan ang pagtaas ng mga kaso ng respiratory illness sa mga bata sa China.
Tinawag ni Health Undersecretary Eric Tayag na “walking pneumonia” ang sakit na idinudulot ng “pathogen mycoplasma pneumoniae”.
“Ibig sabihin nung walking pneumonia, pag-inexray mo ang isang tao, meron nang findings sa chest x-ray. Pero naglalakad pa rin, parang wala siyang nararamdaman,” ayon kay Tayag.
Ngunit sa kabila ng mga pangamba na umabot ang sakit sa Pilipinas, sinabi ni Tayag na hindi dapat mag-panic dahil sa hindi pa malinaw ang sanhi ng mga pagkakasakit kung mula sa “mycoplasma pneumoniae” o dahil sa mga viruses.
Kung nais makatiyak, maaari naman umanong magpa-test sa iilang testing centers sa bansa na may kakayanan kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
“At ang kaibahan ng mycoplasma pneumoniae ay tatlong linggo na inuubo ka pa rin. So kung kayo po ay inuubo na ng matagal, bukod sa tuberculosis, baka meron na kayong walking pneumonia,” paliwanag ni Tayag.
Bukod sa pagsusuot ng mask, maaari ring pumila ang publiko para sa bakuna sa influenza na libreng ibinibigay ng DOH.
Una nang tiniyak ng DOH na nakahanda sila sa anumang mga sakit na dadapo sa Pilipinas bunsod ng mga kakayanan na natutunan sa pagresponde sa COVID-19.
- Latest