Galvez sa CPP-NPA-NDFP: ‘Wag magtakda ng kondisyon sa peace talks
MANILA, Philippines — Upang umusad ang isinusulong na pagbubukas muli ng peace talks sa pagitan ng Pilipinas at CPP-NPA-NDF, sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr., na hindi dapat mag-demand o maglatag ng kondisyon ang kampo ng komunistang grupo.
Ayon kay Galvez, ang pagtatakda ng anumang mga kondisyones para bumalik muli ang GRP peace panel at ang kabilang panig ay makakasagabal lamang sa pagbabalik muli sa negotiating table.
Ginawa ni Galvez ang pahayag matapos na hindi pa man nauumpisahan ang nabalam na peace talks ay kung anu-anong kondisyones na ang itinatakda ng mga supporters ng CPP-NPA-NDFP.
“There should be no preconditions whatsoever, as these can derail future discussions,” ayon kay Galvez kung saan natuto na aniya ang GRP sa nakalipas na kasaysayan.
Kabilang sa demand ng kabilang grupo ay ang pagbuwag umano sa National Task Force to End Local Communist Insurgency (NTF-ELCAC) at ang pagpapawalang bisa sa Republic Act (RA) 10592 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 bago magharap muli sa negotiating table.
Sa kasalukuyan ay isinusulong pa lamang ang explanatory talks bilang pagbibigay daan naman sa inihihirit na peace talks sa hanay ng komunistang grupo.
Inihayag pa ni Galvez na hindi makakabuti ang nasabing mga demand lalo na at nasa bahagi pa lamang ng exploratory talks.
- Latest