Marcos Jr. sa mga Pinoy: Gayahin kabayanihan ni Bonifacio
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang publikong gayahin ang kabayanihan ni Andres Bonifacio sa ika-160 anibersaryo ng kanyang kapanganakan — ito habang pinararangalan ang "unsung heroes" ng Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni Marcos sa pamamagitan ng talumpating binasa ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Huwebes habang hinihikayat ang bawat Pilipinong tularan ang pagmamahal sa bayan ng Supremo ng Katipunan.
"Sa diwa ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, tayo’y tinatawag hindi lamang na ialay ang ating buhay para sa Inang Bayan, kundi pati na ang pagbuhos ng ating kahusayan, galing, tapang, at oras, upang ang bawat hakbang natin ay maging ilaw ng pag-asa at inspirasyon para sa ating mga kababayan," wika ni Marcos.
"Ang bawat isa sa atin ay may mahalagang tungkulin sa pagsulong ng Pilipinas. Lahat ay dapat makilahok sa mga gawaing magpapayaman ng ating kultura, magpapaunlad ng ekonomiya, at lipunan lalo na ngayong sinisikap nating maitaguyod ang isang Bagong Pilpinas."
Dagdag ng presidente, nakikita niya ang kabayanihan ni Bonifacio sa dedikasyon ng mga karaniwang Pilipino gaya ng lang ng mga medical workers, guro, pulis, militar at overseas FIlipino workers na siyang "nagdadala ng Filipino pride" sa buong mundo.
Matatandaang pinangunahan ni Bonifacio bilang ikatlong "supremo" ng Kataastaasan, Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (Katipunan), na namuno sa armado pag-aaklas laban sa mga mananakop na Espanyol.
Ipinaglaban ng nabanggit ang kalayaan mula sa kolonyalismo ngunit ipinapatay sa ilalim ng pamumuno ng presidente ng Republika ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo.
'Anti-kolonyal, rebolusyonaryong' aktibismo
Nanawagan naman ang ilang manggagawa sa agrikulturng sundin ang yapak ni Bonifacio bilang anti-kolonyal at anti-imperyalistang aktibista, lalo na't natapat pa ang okasyon sa pagkamatay ng peasant advocate at rebolusyonaryong si Ericson Acosta.
"Kinilala ni Bonifacio na hangga’t sinasakop tayo ng mga kolonyalista, hindi makakamit ng bansa ang kapayapaan," ani Ariel ‘Ka Ayik’ Casilao, national chairperson of Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).
"Tinularan naman siya ni Ericson, na kumilalang hangga’t walang lupa ang mga pesante at ginugutom ang mga manggagawa, hindi rin natin makakamit ang kapayapaan. Tularan natin ang halimbawa ng parehong dakilang martir."
Kasabay ng araw na ito, nag-martsa din ang ilang grupo ng manggagawa gaya ng Kilusang Mayo Uno, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, WORKERS UNITY (AWU), Alliance of Genuine Labor Organizations (AGLO) at National Confederation of Labor (NCL) sa Maynila para itaguyod ang pagtataas ang sahod, karapatan sa trabaho at serbisyong panlipunan.
Bahagi nito ang pagpapanawagan ng dagdag P750 across-the-board wage increase para mailapit ang kinikita ng mga manggagawa sa family living wage, bagay na nasa P1,186 kada araw sa Metro Manila.
- Latest