Smartmatic diskwalipikado sa COMELEC procurement, 'di lalahok sa 2025 elections
MANILA, Philippines — Opisyal nang diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) ang technology provider na Smartmatic sa procurement process matapos mag-supply ng mga makina para sa automated elections simula pa noong 2010.
Ibinalita ito ni Comelec chairperson George Garcia sa X, dating Twitter, matapos ang petisyong inihain dulot diumano ng "serious and material irregularities" sa pagpapadala at pagtanggap ng election results noong 2022.
"We disqualified smartmatic to participate in all COMELEC procurement," wika ni Garcia ngayong Miyerkules.
"We have to maintain the integrity of our electoral process. Para sa Bayan."
We have to maintain the integrity of our electoral process. Para sa Bayan
— Chairman George Erwin M. Garcia (@ChairGEGarcia) November 29, 2023
Ang petisyon ay inihain para pakiusapan ang Comelec na huwag payagan ang kumpanyang sumali sa public bidding para sa 2025 automated election system.
Una nang itinanggi ng Smartmatic ang mga alegasyon laban sa kumpanya, habang iginigiit na "premature" ang naturang disqualification petition.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sina dating poll commissioner Augusto Lagman, dating Department of Intormation and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio, retired Col. Leonardo Odoño at dating Financial Executives Institute of the Philippines president Franklin Ysaac.
Inihain ang naturang petisyon nitong Hunyo.
Ngayong Nobyembre lang nang sabihin ng Comelec na iniimbestigahan na nila ang mga paratang na nakipagkita diumano ang Smartmatic sa team ng isang kandidato noong eleksyong 2022.
- Latest