Pinas, top 1 sa shopping scam sa Asya
MANILA, Philippines — Nanguna ang Pilipinas sa talaan ng 11 bansa sa Asya na may pinakamataas na “shopping scam rate”, ayon sa 2023 Asia Scam Report.
Nasa 20,000 respondents mula sa Pilipinas, Taiwan, Thailand, Japan, Korea, Malaysia, Hong Kong, Singapore, Vietnam, China, at Indonesia ang lumahok sa research na isinagawa ng non-profit organization na Global Anti-Scam Alliance at Taiwan-based tech company Gogolook.
Nakakuha ang Pilipinas ng 35.9% shopping scam rate para manguna sa naturang mga bansa.
Nasa 24.7% ng mga Filipino respondents ang nagsabi na agad silang tumugon sa mga demands ng scammers; 21% ang pinili na makipagsapalaran kahit na may duda; at 20.5% ang nahikayat sa insentibo na iniaalok sa kanila.
Nasumpungan ng mga biktima ang mga scammer sa ipinadadala sa kanilang text messages, social media at e-mails.
Sinabi ni Art Samaniego, isang technology expert, na sinasamantala ng mga scammer ang kuryusidad, pangamba o pagiging madaling matakot, at huli ay ang matinding paghahangad o pagiging gahaman.
Para makaiwas sa mga scam na ito, pinayo ni Samaniego sa mga netizen na huwag na lamang pansinin ang mga alok ng mga hindi kilala sa social media at agad na iulat ang mga ito.
- Latest