Pinas nakuha suporta ng 16 bansa sa isang seat sa UN Security Council
MANILA, Philippines — Nasungkit ng Pilipinas ang suporta ng 16 Asia -Pacific Parliamentary Forum (APPF) member-states para sa isang upuan sa UN Security Council para sa termino sa taong 2027-2028.
Ito’y kaugnay ng ginaganap 31st APPF na iniho-host ng bansa sa Philippine International Convention Center (PICC) na nagsimula na nitong Huwebes at magtatapos sa Sabado.
Sa joint press conference nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez, inihayag ng mga ito na sa kabuuang 27 bansa sa APPF ay nakuha ng Pilipinas ang suporta ng 16 member states ng APPF.
“We are waiting for our other friends in the region… Kaya right away this forum is paying off dividends “, ani Romualdez .
Nangangailangan pa ang Pilipinas ng 11 pang bansa upang matiyak ang panalo nito sa eleksiyon sa UN body.
Una rito, inihayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na maraming mga bansa ang committed na iboto ang Pilipinas para sa seat sa UN Security Council.
Ang Security Council ang pangunahing organo para sa pagpapairal ng internasyonal na kapayapaan at seguridad sa mundo. Karibal ng Pilipinas ang Kyrgyzstan sa nasabing seat.
- Latest