Makaraan ang lindol sa Mindanao: Pagtatatag ng DDR, iginiit ni Bong Go
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat maging proactive ang diskarte sa disaster management sa Pilipinas kasunod ng magnitude 6.8 na lindol sa ilang bahagi ng Southern Mindanao na nagresulta sa pagkawala ng mga buhay at ari-arian.
Matapos ang lindol, muling iginiit ni Go ang kanyang adbokasiya para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
“I will not lose hope. Patuloy akong mananawagan. Maybe, at the proper time, ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng cabinet-level na secretary para rin maayos at mas mabilis ‘yung koordinasyon between the national government agencies and the local government offices,” ayon sa senador.
Dahil madaling tamaan ang bansa ng iba’t ibang kalamidad tulad ng mga bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan, naunang inihain ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 188, na magtatatag sa DDR, na siyang magsesentralisa ng mga koordinasyon o magtitiyak ng mas mabilis at epektibong pagtugon sa mga emergency.
Ani Go, ang DDR ang gaganap sa isang sentral na papel sa preposisyon ng goods, koordinasyon sa mga LGU at agarang paglikas ng mga apektadong populasyon sa mga ligtas na lokasyon bago pa magkaroon ng mas matinding sakuna.
Sinabi ni Go na kung gaano kabilis at kadalas ang pagdating ng krisis sa ating bansa, dapat lamang na maging mas mabilis, mas maayos, at mas maaasahan ang serbisyo ng gobyerno upang maprotektahan ang kapakanan at buhay ng bawat Pilipino.
- Latest