3 Pinoy sugatan sa 'missile attack' ng Russia sa civilian ship
MANILA, Philippines — Sugatan ang tatlong tripulanteng Pilipino matapos tamaan ng "Russian missle" ang isang civilian ship na papasok sana ng pantalan sa Black Sea region ng Odesa, Ukraine — insidenteng nakapatay din sa isang harbor pilot.
Ito ang ibinalita ng Ukranian army sa isang ulat ng AFP ngayong Huwebes habang nagpapatuloy ang digmaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine.
"Three crew members, citizens of the Philippines, were injured, one of them was hospitalised," wika ng Ukranian army.
"Continuing the terror of civilian shipping, the enemy insidiously fired an Kh-31P anti-radar missile in the direction of one of the ports of Odesa region from tactical aircraft in the Black Sea."
Sinasabing tumama ang missle sa sasakyang pandagat na may dalang Liberian flag habang papasok ng pantalan.
Parehong tumitindi ang military activity ng Kyiv at Moscow matapos mag-collapse noong July ang isang United Nations deal na naggagarantiya ng "safe passage" para sa mga tumatawid na civilian ships.
Ang pag-collapse ng naturang grain export deal ang nag-udyok sa Moscow na balaan ang anumang barkong pumapasok ng Ukranian ports bilang "potential military targets."
'Ligtas na'
Tiniyak naman ng Department of Migrant Workers na ligtas na sa ngayon ang mga nasaktang Pilipino, ngunit nabalian daw ang isang engine trainee sa kaliwang kamay habang ginagamot na sa ospital ang isa pa.
"'Yung pinakamalubha nagkaroon ng fracture sa kanyang left hand," ani DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac sa ulat ng GMA News.
"It so happened na andun sila sa bridge kung saan nagkaroon ng impact ang missile pero they were far enough not to obtain major injuries."
Nagtamo naman daw ng minor injures ang kapitan at third mate at ligtas naman habang nakasakay pa rin sa barko.
Tinitignan na rin kung maaaring i-repatriate ang tatlong Pinoy habang sila'y nagpapagaling ngunit nakikipag-usap pa raw sila sa kanilang manning agency at kani-kanilang pamilya.
Taong 2022 pa nang magsimula ang panibagong kaguluhan sa pagitan ng Ukraine at Rusya matapos ang pananakop ng huli. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at Agence France-Presse
- Latest