25-anyos na criminology student patay sa QC 'fraternity' hazing; 4 sumuko
MANILA, Philippines — Patay ang isang 4th year student mula sa Philippine College of Criminology nitong Lunes matapos mamatay sa bugbog dahil diumano sa fraternity hazing ng grupong Tau Gamma Phi.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2 p.m. kahapon nang sumalang sa hazing ang 25-anyos na si Ahldryn Leary Bravante bagay na isinagawa sa isang abandonadong gusali sa Barangay Sto. Domingo, QC.
"Wala na ho [siya]. Noong dinala ho sa ospital, matigas na siya eh. Oh 'di ibig sabihin noon, pinatay na nila [ang anak ko]," ani Alexander Bravante, tatay ni Ahldryn, sa ulat ng News5 ngayong Martes.
"Nagulat na lang kami nang dumating ang kuya ko. Naiyak lang ang kuya ko. 'Wala ba kayong alam? ... Ang kuya niyo, wala na.'"
Lumalabas sa imbestigayson ng Quezon City Police District #QCPD na alas-2 ng hapon ng sumalang sa hazing si Ahldryn Leary Bravante na isinagawa sa isang abandonadong building sa Barangay Sto. Domingo. #News5 I via Hannibal Talete pic.twitter.com/qQ44J8YHcK
— News5 (@News5PH) October 17, 2023
Sinasabing bandang 10 p.m. kagabi nang maipaalam sa pamilya ang sinapit ng biktima.
Wika ng kapulisan, nahirapan huminga si Ahldryn sa gitna ng initiation at nawalan ng malay. Isinugod pa raw ang biktima sa ospital ngunit nalagutan na ng hininga.
Naulila ng insidente ang kanyang kinakasama at 6-anyos na anak.
"Tau Gamma... Alam ko 'yun talaga 'yung gusto niyang salihan eh," sabi ng kanyang partner na si Dalen Gail.
"Kung gusto niyong magkaroon ng kapatiram, ayusin niyo na ma-manage niyo lahat ng sumasali roon na hindi aabot sa ganitong punto."
Hingi ngayon ng kanyang amang mabulok sa kulungan ang mga sangkot sa insidente.
Kusang-loob na sumuko sa mga otoridad ang apat na suspek kaugnay nito, kabilang ang dalawang kaeskwela ni Ahldryn na nagdala sa biktima sa ospital.
Fraternity hindi recognized sa eskwela
Nagluluksa naman sa ngayon ang PCCR community kaugnay ng insidente, ito habang idinidiing hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng karahasan.
"PCCR does not recognize any student organization that promotes a culture of violence contradictory to the school's values and we strongly condemn this heinous act," sabi ng kolehiyo ngayong araw.
"We are doing everything in our power to investigate this incident, extending assistance to the family, while cooperating with the authorities to bring the perpetuators to justice."
Ipinagbabawal ang naturang gawi sa ilalim ng Republic Act 11053 na kilala rin sa Anti-Hazing Act of 2018.
Maaaring maharap sa hanggang 40 taong pagkakakulong ang mga nagplano at lumahok sa hazing oras na mauwi ito sa kamatayan, panghahalay, atbp. pananakit. Bukod pa ito sa P3 milyong halaga ng multa. — may mga ulat mula sa News5
- Latest