Hustisya nakamit ng payment firm sa infringement case
MANILA, Philippines — Nakakuha ng hustisya ang isang payment kiosks firm matapos manalo sa isinampa nitong infringement at unfair competition case laban sa isa pang kompanya sa Regional Trial Court ng Parañaque City.
Sa inilabas na desisyon ni Judge Noemi Balitaan ng Parañaque RTC Branch 258, inatasan nito ang Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP) at maging si Perservando Hernandez na bayaran ang Manila Express Payments System (MEPS) ng nasa P3 milyon bilang exemplary damages at hiwalay na P200,000 bilang attorney’s fees.
Pinababayaran din ng korte sa E-TAP ang nagastos ng MEPS sa pagsasampa ng kaso laban dito.
Batay sa 34-page decision, sinabi ni Balitaan na napatunayan ng MEPS na pineke o kinopya umano ng E-TAP ang kanilang sistema.
Kabilang sa negosyo ng MEPS ang franchising, distribution, trading, at pagbebenta ng registered at patented information technology (IT) products gaya ng Touch Pay na gumagamit ng lisensiyadong modelo.
Isiniwalat sa reklamo ng MEPS na ang business process ng E-TAP sa pamamagitan ng automated payment machine na Pay & Go ay lumabag sa kanilang registration.
Matatandaang nakasabat ang NBI-Intellectual Property Rights Division ng ilang automated payment machines na may label ng mga nasabing kompanya at pinagagana sa pamamagitan ng E-TAP.
- Latest