^

Bansa

Agarang pagpasa ng batas kontra scammers hangad ng GCash

Philstar.com
Agarang pagpasa ng batas kontra scammers hangad ng GCash
Nagpahayag ng matibay na suporta ang GCash sa agarang pagpasa ng mga batas upang lubusang mapanagot ang mga scammer at fraudster.
AFP

MANILA, Philippines – Kaugnay sa patuloy nitong kampanya para mapanatiling ligtas ang mga e-wallet user, nagpahayag ng matibay na suporta ang GCash sa agarang pagpasa ng mga batas upang lubusang mapanagot ang mga scammer at fraudster.

“Ang seguridad at tiwala ng aming mga users ang isa sa mga higit naming binibigyan ng kaukulang pansin, kaya naniniwala ang GCash na ang House Bill 7393, o ang ‘Anti-Financial Scamming Act’ at Senate Bill 2039, o ang ‘Anti-Mule and Financial Fraud Act of 2023’ ay makatutulong upang hadlangan ang mga financial cybercrimes sa bansa,” pahayag ni Ren-ren Reyes, ang presidente at CEO ng G-Xchange Inc. na siyang operator ng mobile wallet na GCash.

Sa ilalim ng naturang mga panukalang batas, pananagutin  ang mga cybercriminal at kanilang mga kasabwat, kabilang na rito ang mga tinatawag na “money mules” o mga nagsisilbing middleman na pinagkukunan ng mga scammer ng mga ninakaw na pera para manatiling lihim ang kanilang pagkakakilanlan. Bagama’t alam ng ibang “money mules” na ilegal ang kanilang gawain, may mangilan-ngilan pa ring ginagawa ito nang walang kamalayan. 

“Ang agarang pagpapasa at pagpapatupad ng mga batas na ito ang magiging daan upang mapanagot ang mga ‘money mules’ at scammers, na siyang lalong magpapabilis ng ating layunin na maging ‘financially inclusive’ at  ‘digitized’ ng bansa,” dagdag ni Reyes

Noon pa man ay aktibo na ang GCash sa pag-block ng mga kahina-hinalang account para pigilan ang mga masasamang loob sa pambi-biktima ng mga customer. Sa katunayan, noong Enero 2022 hanggang Hunyo 2023, tinatayang aabot sa apat na milyong kahina-hinalang accounts ang na-block ng GCash. 

Patuloy rin ang malapit na ugnayan ng nangungunang e-wallet sa mga awtoridad kabilang ang Philippine National Policy Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG),  Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at National Bureau of Investigation Cybercrime Division (NBI-CCD), upang masiguro na agad mapipigilan ang pag atake ng mga scammer at fraudster.

Ayon  sa House Bill 7393, maaaring maparusahan ang kahit sinong “money mule” o magsasagawa ng “social engineering”. Kung ito naman ay isasagawa ng tatlo o higit pa, ang mga salarin ay haharap din sa reklamong economic sabotage. 

Ang Senate Bill 2039 naman ay hayagang ipinagbabawal ang “phishing”, isang uri ng “social engineering” o panloloko sa pamamagitan ng pagpapadala ng links upang makuha ang mga maselang impormasyon kagaya ng password, at “account takeovers” kung saan sapilitang binubuksan ang isang account para makuha ang pera mula rito. Ang “phishing” at “account takeover” ang dalawa sa mga pinakatalamak na paraan ng mga scammer upang makapagnakaw sa kanilang mga biktima. 

Parehong isinasaad ng dalawang panukalang batas na ang mga tinatawag na “money mule” ay mga taong nagbebenta, bumibili, o nagpapahiram na anumang “financial account”, kabilang ang mga e-wallets. Kasama na rin sa nasabing depinisyon ang mga nagrerehistro gamit ang pekeng pangalan o gumagamit ng pagkakakilanlan ng iba upang gumawa ng krimen. Ang iba pang bills na naglalayong palakasin ang laban kontra scammers at mapanlinlang ay SB 336, SB 2171, SB 2306, at SB 2407.

“Hangad namin ang pagkakaisa ng ating mga mambabatas at ng iba pang mga stakeholders upang mas lalo pang maprotektahan ang ating mga kababayan laban sa dumaraming makabagong banta sa digital space,” pagbibigay-diin pa ni Reyes.

TEXT SCAMS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with