9 menor-de-edad na ex-member ng ‘kulto’, ikinustodiya ng IACAT
MANILA, Philippines — Siyam na menor-de-edad na pawang dating miyembro ng umano’y kultong Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) ang nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women’s and Children, bukod sa nasabing mga menor-de-edad ay kinuha na rin ng IACAT na pinamumunuan ni Justice Secretary Crispin Remulla, ang kustodiya ng apat na indibidwal dahil sa posibleng biktima ng trafficking.
Umaasa naman si Hontiveros na ang mga dating miyembro ng SBSI kabilang ang mga menor-de-edad ay magsasabi ng katotohanan bilang patunay sa mga naunang testimonya ng kanilang mga kasamahan na mga paglabag at pang-aabuso ng mga lider ng kulto.
“The DSWD and the IACAT decided to keep in their custody the minor and the adult members of SBSI,” ayon sa Senador sa panayam ng DZBB.
Umaasa rin ang Senador na sa susunod na pagdinig, ang mga magulang ng mga menor-de-edad na miyembro ng SBSI ay papanig na sa kanilang mga anak laban sa mga lider ng kulto dahil noong mga naunang hearing ay tumutol sila sa protective custody ng mga anak nila sa mayor at municipal social works office.
Sa pagdinig ng Senado noong Huwebes ay inilantad ang pang-aabuso ng SBSI leaders kabilang na ang child marriages, rape ng mga menor-de-edad at force labor.
Itinanggi naman ng sinasabing SBSI leader na si Jey Rence Quilario ang alegasyon ng kanyang mga miyembro.
- Latest