Jonila Castro, ‘hardcore NPA member’ – NTF-ELCAC
MANILA, Philippines — Itinuturing na “hardcore member” ng New People’s Army si Jonila Castro, isa sa dalawang batang babaeng itinanim ng communist terrorist groups (CTGs) sa mga komunidad ng mga mangingisda sa Orion, Bataan at nagpanggap na “environmental activists”.
Ito ang ibinulgar sa media nitong Huwebes ni Undersecretary Jun Torres Jr., National Secretariat Executive Director ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan sinabi nito na mismong si Castro ay umamin sa kanyang sulat-kamay na sinumpaang salaysay na apat na taon na siyang kasapi ng NPA na sumuko lamang noong Sept. 12, 2023 sa 70th Infantry Battalion ng Army na naka-base sa Bulacan.
Sinabi ni Torres na si Castro ay nagsilbing organizer hanggang sa maging “hukbo” na isang NPA combatant ay muling nag-organisa ng mga pagkilos sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Torres, aminado si Castro na nabibilang siya sa NPA Lino Blas Command at minsan pang napasama sa isang encounter laban sa tropa ng pamahalaan noong 2021 sa Pampanga. Inamin din niyang may mga napaslang sa kanilang hanay noon.
Nagsilbi ring recruiter ng NPA si Castro, handler at sumistema kay Jhed Tamano na tatlong buwan pa lamang sa kanilang hukbo bilang community organizer bago nila plinano ang kanilang pagsuko.
Sa kabila ng pagbaligtad nina Castro at Tamano sa kanilang sinumpaang salaysay, naniniwala si Torres na ang dalawa ay “biktima lamang ng terorismo” at ‘di titigil ang pamahalaan sa pagliligtas ng mga gaya nila sa kuko ng mga CTG.
Maging si PAO chief Presida Acosta ay nadismayado sa pagbaligtad ng dalawa at sinabing marami silang kagaya na ginagamit lamang ang PAO sa kanilang pangsariling kapakanan.
Sa ngayon ay nirerepaso na ng AFP ang pagsasampa ng kasong perjury laban sa dalawang estudyante.
- Latest