SINAG: Price cap sa bigas, pwede nang alisin sa sunod na mga linggo
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na maaari nang alisin ng pamahalaan ang ipinatutupad na price cap sa bigas sa susunod na ilang linggo.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, nagsisimula na ang anihan ng palay kaya’t inaasahan na nila ang unti-unting pagbaba at pagbalik sa normal ng presyo ng bigas.
Ani So, ngayong anihan hanggang sa Disyembre ay maaari na ring maibalik ang presyo ng bigas sa P43 hanggang P44 kada kilo kahit pa hindi na mag-angkat ng bigas o babaan ang taripa.
Samantala, ayon naman sa Department of Agriculture (DA), isa talaga ang pagdami ng suplay dahil sa panahon ng anihan sa ikukonsidera nila sa pag-aalis na ng rice price cap.
Anang DA, magandang indicator na may mga retailers na sa ngayon ang nagbebenta ng bigas na mas mababa sa price cap na P41 para sa regular-milled rice at P45 para sa well-milled rice.
Tiniyak din ng DA na mahigpit nilang minomonitor ang mga indicators upang makapagbigay ng informed recommendation kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. kung kailan talaga maaaring tanggalin ang price cap sa bigas.
- Latest