^

Bansa

Pilipinas no. 1 importer na ng bigas sa mundo... kahit agrikultural namang bansa

James Relativo - Philstar.com
Pilipinas no. 1 importer na ng bigas sa mundo... kahit agrikultural namang bansa
Varieties of rice and their respective prices are on display at the Baguio City Market on September 11, 2023.
The STAR/Andy Zapata Jr.

MANILA, Philippines — Nangibabaw na naman ang mga Pinoy sa isa na namang larangan — pero hindi ito dahil sa sports o performing arts ngunit dahil sa pag-aangat ng bigas mula sa mga dayuhan.

Ayon sa "Grain: World Markets and Trade" report ng United States Department of Agriculture, Martes (oras sa Amerika), tinatayang aabot sa 3.8 milyong metrikong tonelada ang rice importation ng bansa nitong marketing year 2023-2024.

Mas mataas na ito kaysa sa importasyon ng Tsina matapos nila itong mapababa sa 3.5 milyong MT. Beijing ang dating nangunguna sa pag-aangkat ng bigas kahit na agrikultural na bansa rin ito gaya ng 'Pinas.

"In 2008, the Philippines continuously bought larger volumes as prices escalated; this year, it is delaying purchases, awaiting lower prices. In the past week, prices started to decline from their peaks," wika ng USDA.

"Top rice exporter India has sent shockwaves through the global rice market since its July export ban on milled white rice and subsequent August export tax on parboiled rice and minimum export price for basmati. Global importers have shifted to the next largest suppliers, Thailand and Vietnam, sending their export quotes surging to the highest levels since 2008."

Pinakamataas ang global rice prices sa nakalipas na 15 taon matapos ang huling export ban policy ng India. New Dehli ang sinasabing nagsusuplay ng 40% ng global rice trade. Hulyo nang i-ban nito ang export ng non-basmati white rice, dahilan para numipis ang global supply at prices.

Vietnam at Thailand ang top sources ng rice imported rice nitong 2023. Umabot na sa 2.33 milyong MT ang rice imports: 4.46% dito galing sa Bangkok habang 89.85% naman mula sa Ho Chi Minh City.

Marcos, pasimuno ng importasyon?

Sinisi naman ng sari-saring grupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa polisiya ng pag-aangkat, bagay na patuloy daw pumapatay sa lokal na industriya ng palay at bigas.

"Simula nang maupo siya sa puder, bukambibig niya ang importasyon at pagmamakaawa sa ibang bansa ng imported rice samantalang kaya namang i-prodyus dito sa atin," ani Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas ngayong Huwebes.

"Malaking krimen ito ni Marcos Jr. sa mamamayang Pilipino dahil sa kapabayaan na paunlarin ang lokal na industriya ng palay at bigas at walang kumprehensibong plano sa pagsusulong ng national food security at self-sufficiency ng bansa."

Ani Estavillo, aabot pa sa 500,000 metrikong tonelada ng imported na bigas mula India ang papasok ngayong anihan sa Oktubre. Iba pa raw ito sa pinasok na five-year rice supply agreement sa Vietnam.

"Palagian nang sinasangkalan para sa pambabarat sa presyo ng palay ang bumabahang 'murang' imported na bigas at ibinabangga pa ito sa panahon ng anihan," sabi pa ng Bantay Bigas.

"Noong Setyembre 2022, umaaray ang mga magsasaka sa napakababang presyo ng palay na umabot sa P13 kada kilo. Sinabayan pa ito ng napakataas na gastos sa pagsasaka, mahigit P6 at P1 na pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina noong Agosto, at kawalan ng ayuda at post-harvest facilities mula sa gubyerno."

Ang lahat ng ito ay nangyayari habang nasa ika-10 sunod na linggo na ang oil price hikes. Kamakailan lang nang magpataw ng P41/kilo at P45/kilo na "price ceiling" si Marcos Jr. dahil sa taas ng presyo ng bigas.

Ani Estavillo, na secretary general din ng Amihan National Federation of Peasant Women, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, napapanahon nang inbasura ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law, bagay na naging dahilan daw ng pagkalugi nang marami magsasaka.

Miyerkules lang nang manawagan ang KMP kay Bongbong na magbitiw na bilang secretary ng Department of Agriculture dahil sa pagiging "pabaya," pasimuno ng importasyon at patuloy na krisis sa pagkain.  — may mga ulat mula kay The STAR/Danessa Rivera

BANTAY BIGAS

BONGBONG MARCOS

DEPARTMENT OF AGRICULTURE

IMPORTATION

KILUSANG MAGBUBUKID NG PILIPINAS

RICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with