'Bday gift ni VP Sara?': Pagbura ng 'diktaduryang Marcos' sa DepEd curriculum pinalagan
MANILA, Philippines — Kinundena ng ilang kabataan ang diumano'y "regalo" ni Bise Presidente Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ihiwalay ng Department of Education (DepEd) ang salitang diktadura sa mga Marcos sa mga aralin.
Para sa National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth), kasuklam-suklam ang pagbabago ng DepEd sa Matatag curriculum kung saan ang “Diktadurang Marcos” ay pinasimpleng “Diktadura” na lamang.
“Kasuklam-suklam itong birthday present ni DepEd Secretary Sara Duterte kay Bongbong Marcos na tanggalin ang pangalan ng kaniyang pamilya sa terminong nagsasalarawan kung gaano kasahol ang rehimen ng kaniyang diktador na ama,” ani NNARA-Youth Spokesperson Marina Cavan sa isang pahayag, Miyerkules.
“Isinusuka ng mga kabataan ang malinaw na pagbabaluktot sa kasaysayan ng kasalukuyang rehimen upang mapawalang-sala ang pamilyang Marcos sa kanilang mga krimen.”
Maaalalang inanunsyo ang pagbabagong ito sa isang memorandum na inilabas ng DepEd nitong September 6, ilang araw lang bago ang ika-66 na birthday ng pangulo.
Kaugnay nito, ni DepEd Bureau of Curriculum and Development Director Jocelyn Andaya na maaari pa ring gamitin ng mga guro ang terminong “Diktadurang Marcos” upang maipakita ang iba’t ibang mga pananaw dito, ngunit kinondena rin ito ng NNARA-Youth.
“There is only one objective truth: the declaration of Martial Law on September 21, 1972 resulted to massive state-sponsored human rights violations, wherein a total of 3,257 victims of extrajudicial killings, 35,000 documented cases of torture, and 70,000 individuals incarcerated were recorded,” sabi ni Cavan.
“That is an undisputable fact, and no amount of mental gymnastics can hide the blatant disinformation of DepEd, the very institution mandated to promote historical truth and objective knowledge, under the directive of Sara Duterte.”
Habang patuloy na itinatanggi ng DepEd na nagkaroon ng pressure o bias upang baguhin ang terminong ito sa curriculum, idiniin naman ng NNARA-Youth na hindi ito ang magiging unang pagkakataon na sinubukang linisin ng mga Marcos ang kanilang pangalan.
“Hangga’t naririyan ang mga Marcos sa kapangyarihan, gagamitin ni Marcos Jr. ang lahat ng kapangyarihan at rekurso upang nakawin hindi lamang ang kaban ng bayan kundi ang karapatan nating mga kabataan na malaman ang tunay na nangyari sa ating kasaysayan,” sabi ni Cavan.
Ipinanawagan din ng grupo ang kapwa nilang mag-aaral na tanggihan ang pagbabago na ito at patuloy na tutulan ang pag-abswelto sa mga kasalanan ng mga Marcos.
“In the name of thousands of martyrs that fought the Marcos dictatorship, even so those thousands more who remain unnamed, we must collectively fight for the historical truth and hold the Marcoses and Dutertes accountable for their crimes, then and now,” sabi ni Cavan.
Isa lamang ang NNARA-Youth sa iba’t ibang mga organisasyong tumututol sa pagbabagong ito sa curriculum, kabilang na ang Alliance of Concerned Teachers na nauna nang naghayag ng kanilang pagkondena nitong Lunes. — intern Matthew Gabriel
- Latest