PISTON: 'Fuel subsidy’ hindi sapat vs oil price hikes
MANILA, Philippines — Idiniin ng isang transport group na hindi sapat ang pinaplanong fuel subsidy ng pamahalaan para mga transport worker na maaapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang sinabi ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator (PISTON) ngayong Martes kasabay ng ika-10 sunod na linggo ng pagtataas ng presyo ng langis sa merkado.
Aniya, hindi magiging sapat ang ilalabas na P3 billion para sa fuel subsidies sa higit 1.36 milyong drivers at operators ng mga pampublikong sasakyan.
"Hindi rin sapat ang P6,500 na ayuda sa mga traditional PUJ at UVE,” giit ni PISTON National President Mody Floranda sa isang pahayag nitong Martes.
“Kung pwede palang magbigay ng P10,000 sa mga modernized, bakit hindi na lang pagpantay-pantayin at gawing P10,000 na lang lahat?"
Ngunit para naman sa PISTON, dapat mapabilis ang pamamahagi ng subsidy at iminungkahing dapat ihiwalay ang subsidy ng operator sa mismong mga driver.
Wika ni Floranda, tiyak kasing magkakaagawan pa sila ng mga tsuper kahit na pareho silang apektado ng krisis.
Fuel subsidy simula bukas
Maaalalang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pamamahagi ng subsidyo sa mga maapektuhan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, bagay na magsisimula sa Miyerkules.
"Ang halaga po kasi na inilaan sa bawat benepisyaryo ng subsidiya ay nakadepende kung gaano karami ang produktong petrolyo na kinokonsumo ng kanilang pampublikong sasakyan," ani Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Atty. Teofilo Guadiz III sa pahayag ng ahensya.
“Ang subsidiya na ito ay para po sa lahat ng ating mga operator na nahihirapan dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo,”
Habang patuloy ang pagtaas ng mga produktong petrolyo, idiniin ng PISTON na taasan pa ng gobyerno ang ipapamahagi bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng iba pang bilihin.
Binanggit ng LTFRB na ipamamahagi ang subsidy sa pamamagitan ng digital banking accounts katulad ng e-wallet, bank accounts, at fuel subsidy card na nakarehistro na dati sa mga benebisyaryo ng Fuel Subsidy Program.
Problemang higit sa mga transport worker
Babala pa ni Floranda, makakaapekto rin ang isyu sa pagsipa ng presyo ng mga bilihin ng karaniwang Pilipino.
Dahil dito, ipinanawagan muli ng grupong suspindihin ang Value Added Tax at Excise Tax sa mga produktong petrolyo para mapagaan ang presyo nito para sa mga consumer.
"Kapag sinuspinde ang mga buwis sa langis, hindi lang mga tsuper ang makikinabang, maging ang mga manggagawang komyuter at mamimili na hindi naman tumataas ang sahod," sabi ni Floranda.
Kaugnay naman ng kasalukuyang deliberations sa 2024 National Budget, iminungkahi ng PISTON na palakihin ang usapin ukol sa transport workers at commuters habang idiniin ang pagkakaroon ng transparency sa pondo, partikular na sa Confidential at Intelligence Fund.
"Lahat na lang ng bigat ng pagbubuwis ay ipinapasa sa mga tulad nating mga manggagawa at konsumer pero hindi natin maramdaman kung saan napupunta,” sabi ni Floranda.
“Uhaw na uhaw pa ang mga nasa poder sa limpak-limpak na hindi maipaliwanag na Confidential and Intelligence Funds habang gutom na gutom na ang mga Pilipino sa ayuda at serbisyong panlipunan.” — intern Matthew Gabriel
- Latest