Tulong ng gobyerno ‘wag gamitin sa pulitika – Tingog
MANILA, Philippines — Nais maparusahan ni Tingog partylist Rep. Yedda Marie Romualdez ang kapitan ng barangay sa Catubig, Northern Samar na viral ngayon sa social media matapos mahuli sa video na pinupunit ang certificate of indigency sa harapan ng nanay ng dalawang estudyante.
Nabatid na magpapapirma sana ng certificate of indigency para makakuha ng tulong pinansyal sa Tingog partylist ang nanay ng dalawang estudyante sa kapitan ng barangay na si Carlo Robes, ng Barangay 5, Poblacion, Catubig, Northern Samar, pero sa halip na pirmahan ay pinunit niya ito sa harapan ng nanay dahil iba umano ang sinuportahan ng pamilya ng naturang estudyante noong nakaraang halalan.
Pero lingid sa kaalaman ng kapitan ay nakuhanan ng video ang kanyang ginawa at ngayon ay viral na sa social media at tumanggap ng pagbatikos sa netizens.
“Hindi tama na ang pagbigay ng tulong ay ginagamit sa pulitika. Dapat ay walang pinipili ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan,” ayon kay Romualdez na agad nakipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG) para maaksyunan ang ginawa ng kapitan.
Kasabay nito, agad na ring pinahanap ng mambabatas ang dalawang estudyante sa Catubig para sila na mismo ang personal na magbigay ng tulong sa mga ito.
Ipinauubaya naman ni Romualdez sa DILG kung ano ang pwedeng ipataw na parusa sa naturang opisyal ng barangay.
- Latest