270 senior sa Embo brgys, tumanggap ng birthday cash gift
MANILA, Philippines — Sinimulan na ring mamahagi kahapon ang pamahalaang lungsod ng Taguig ng birthday cash gift sa mahigit 270 senior citizen na nagdiriwang ng kanilang kaarawan nitong Agosto mula sa 10 barangay ng Embo na inilipat na sa kanilang hurisdiksyon.
Tumanggap ang mga senior citizen ng lungsod ng cash gift na nagkakahalaga mula P3,000 hanggang P10,000 depende sa kanilang edad.
Kapag sila ay umabot na ng edad na 100, bibigyan sila ng P100,000 at patuloy nilang tatanggapin ang parehong halaga taun-taon hanggang sila ay nabubuhay.
Pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang pag-aabot ng cash gift sa mga senior citizen na naroroon sa kickoff ceremony sa Barangay Pembo. Ang iba naman ay tumanggap ng kanilang cash gift sa kanilang mga tahanan na dinala mismo ng mga barangay workers ng Taguig.
Si Guillermo Perez Jr., 72, mula sa Barangay South Cembo, ay nagpahayag ng pasasalamat sa Lungsod ng Taguig para sa cash gift at house-to-house distribution.
Para kay Adela Miranda, 86, mula sa Barangay Post Proper Southside, ito ang unang pagkakataon niyang tumanggap ng cash gift para sa kanyang kaarawan.
Kahit pa nahirapan ang lungsod sa pagkuha ng database ng mga senior citizen, nagawang matukoy ng Taguig ang unang listahan ng 271 na senior citizen sa tulong ng mga lider ng komunidad sa mga Embo barangay. Ito ay na-verify gamit ang listahan ng mga benepisyaryo ng social pension mula sa nasabing barangay.
“Kahit po umano mano ang pagkalap ng ating datos, hindi na namin ipinagpabukas ang pagkakaloob ng birthday cash gift sa ating mga senior citizen,” sabi ni Mayor Lani sa kanyang mensahe sa mga senior mula sa mga barangay ng Embo.
“Ang araw po na ito ay patunay na mayroong programa ang City of Taguig para sa ating mga senior citizens. Sa Taguig ang naging programa po natin, pag sumasapit ang kaarawan ng ating mga senior citizen, according to the age bracket, financial assistance po yung binibigay natin,” dagdag ni Mayor Lani.
Bukod dito, nagbukas din ang Taguig ng isang one-stop shop volunteer center sa Sampaguita Street sa Barangay Pembo kung saan ang mga hindi kasama sa unang listahan ng benepisyaryong senior citizen ay maaaring pumunta para mai-lista at ma-verify para sa kanilang birthday cash gift.
Ang one-stop shop ay bukas rin para sa mga katanungan at aplikasyon para sa mga social services tulad ng tulong medikal, burial assistance, benepisyo para sa mga may kapansanan, at pati na rin sa mga scholarship concerns.
Tinitiyak ng Taguig na tatanggapin ng bawat senior citizen mula sa 10 barangay ng Embo ang kanilang birthday cash gift dahil sila ay mga residente na ng Lungsod. Iniulit rin ng lokal na pamahalaan ang kanilang pangako na ibigay ang parehong mga programa at serbisyo sa kanilang mga bagong residente, lalo na sa mga minamahal na lolos at lolas ng Taguig.
- Latest