^

Bansa

Grupo: P150M DepEd confidential funds ilipat sa mental health programs

James Relativo - Philstar.com
Grupo: P150M DepEd confidential funds ilipat sa mental health programs
Litrato ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel (kaliwa) at Bise Presidente Sara Duterte (kanan)
Mula sa Twitter account ni Raoul Manuel; Released/Presidential Communications Office

MANILA, Philippines — Nananawagan ang isang mambabatas na mailipat sa mental health programs at full face-to-face classes ang P150-milyong mungkahing confidential funds para sa 2024 proposed budget.

Ito ang sabi ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa budget hearing ngayong nakwekwestyon ang laki ng pondong imimumungkahing mailagay sa ilalim ni Bise Presidente Sara Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education.

“While we have [P150 million] budget for confidential funds... saan po sa budget ng DepEd ‘yung specific na para sa mental health programs?” ani Manuel nitong Miyerkules.

"I’m alarmed. Mas mataas pa ‘yung budget natin sa confidential funds ng DepEd [at OVP] kaysa sa mental health programs when even DepEd itself has data na almost every day po, trigger warning, may nagpapakamatay na mga basic education students."

Lumabas ito ilang araw matapos mabusisi ang P125-milyong confidential funds ng Office of the Vice President na "inubos sa ilalim lang ng 19 araw" noong 2022, ani ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

Ayon sa Commission on Audit, tumutukoy ang confidential expenses sa gastusin para sa "surveillance activities in civilian government agencies that are intended to support the mandate or operations of the agency."

404 estudyante patay araw-araw

"Mas mataas pa ‘yung bilang ng mga may suicide ideation o ‘yung mga naiisip na kitilin ‘yung sariling buhay dahil sa iba’t ibang problema. 'Di ko magets ang priorities ng DepEd sa ngayon," patuloy ni Manuel.

"Sana wala nang confidential or intelligence funds ‘yung DepEd tsaka OVP. I-realign na po natin ‘yan sa pangangailangan na hindi naman confidential."

Pebrero 2023 lang nang ibalitang nasa 404 estudyante sa public schools ang nagpatiwakal noong 2021 sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

Bukod pa ito sa nasa 2,147 estudyanteng nagtangkang magpakamatay noong Academic Year 2021-2022 noong karamihan sa mga eskwelahan ay nagpapatupad pa ng online classes.

Para maniktik? Mag-red tag?

Taong 2022 pa lang nang magbabala ang partido laban sa P150-milyong condidential funds ng DepEd dahil sa posibleng magamit daw ito sa panre-redtag, katiwalian at paniniktik sa kabataan.

Sa kabila nito, ipinagtanggol ni Duterte sa Kamara kahapon ang ganitong klaseng appropriation.

"There is a purpose and a need for confidential funds in the DepEd, because basic education is intertwined with national security," paliwanag niya kay Albay Rep. Edcel Lagman.

"But of course, as we always say, we leave it to the discretion of the members of the House of Representatives and the Senate, the wisdom of granting confidential funds to DepEd."

Noong nakaraang taon lang nang ipagtanggol ni Duterte ang mungkahing P650-milyong confidential funds para sa parehong OVP at DepEd. Aniya, gagamitin daw ang huli para maipagtanggol ang mga estudyante sa sexual grooming, abuse, atbp.

Aabot sa P758.59 bilyon ang proposed budget para sa DepEd sa susunod na taon, na siyang 5% ang inilaki mula sa P721 bilyon noong 2023. Sa kabila nito, naninindigan si Duterte na kulang pa ito para maisakatuparan ang lahat ng gusto nilang pagbabago.

Una nang sinabi DepEd Undersecretary Michael Wesley Poa na meron pang kakulangan ng 165,000 classrooms sa ngayon. Samantala, iniulat naman ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing na nasa 300,000 school buildings ang kakailanganin pa ng major repairs.

CONFIDENTIAL FUNDS

DEPARTMENT OF EDUCATION

KABATAAN PARTY-LIST

RAOUL MANUEL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with