4.4K pulis ikakalat sa FIBA World Cup
MANILA, Philippines — Aabot sa 4,400 pulis ang ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping FIBA World Cup 2023 sa bansa simula sa Agosto 25.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, handa na ang mga pulis sa pagbibigay ng seguridad mula sa airports at hotels na kanilang tutuluyan at venues.
Nagsimula nang magsidatingan sa bansa ang mga lalahok sa FIBA.
“All systems go we are expecting a crowd on August 25 when the FIBA Basketball World Cup opens. Sa ngayon po ay patuloy pa rin po iyong ginagawang contingency planning ng PNP pero minor details na lamang po ito dahil in place na po iyong ating security preparation and deployment for the opening of the FIBA Basketball World Cup,” ani Fajardo.
Nabatid kay Fajardo na bukod sa mga pulis, may deployment ang Armed Forces of the Philippine (AFP), Philippine Coast Guard, Red Cross, Department of Health (DOH), at force multipliers.
Dagdag pa ni Fajardo, inaasahan ang dagsa ng mga tao sa venue kaya titiyakin din nilang sapat ang kanilang personnel.
“Magkakaroon ng volume of people ay aasahan natin na maglalagay tayo ng sufficient personnel para siguraduhin iyong kaligtasan at seguridad hindi lamang po ng ating mga participants at delegates pati na rin po iyong ating mga audience na manonood po ng mga games.”
Ang FIBA World Cup 2023 o Olympic Basketball ay isasagawa mula Agosto 25 hanggang Setyembre 10 kung saan co-hosts ang Pilipinas, Japan at Indonesia.
Sakop ng Pilipinas ang 15 bansa sa group phase na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan; Smart Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City at SM Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City.
Ang Philippine Arena ang magiging host sa opening ceremony kung saan maglalaban ang Pilipinas at Dominican Republic game. Ang final phase ay gagawin sa MOA Arena.
- Latest