Facebook, Instagram ng FBI wanted na si Quiboloy 'unavailable' na rin
MANILA, Philippines — Hindi na mabuksan ang opisyal na Facebook at Instagram accounts ng kontrobersyal na religious leader at media owner na si Apollo Quiboloy — ito matapos ang serye ng crackdown sa kanyang social media pages.
"This content isn't available at the moment," sabi ng Facebook oras na puntahan ang link sa kanyang opisyal na pahina.
"When this happens, it's usually because the owner only shared it with a small group of people or changed who can see it, or it's been deleted."
Narito naman ang mensahe ng Instagram oras na puntahan ang @pastoracq:
Sorry, this page isn't available. The link you followed may be broken, or the page may have been removed. Go back to Instagram.
Wala pa namang pahayag patungkol dito ang Meta, ang kumpanyang parehong nagmamay-ari sa parehong FB at IG.
Nangyayari ang lahat ng ito matapos burahin ng YouTube at TikTok ang accounts ng church leader ng Kingdom of Jesus Christ ngayong pinaghahanap siya ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) para sa patung-patong na kaso gaya ng "sex trafficking" ng mga menor de edad.
Sa kabila ng lahat ng ito, buhay na buhay pa rin sa Twitter (o "X") ang opisyal na account ni Quiboloy.
Facebook, Instagram guidelines
Hindi pa malinaw ngayon kung ano ekstakto ang dahilan ng pagkakabura ng pahina ni Quiboloy. Ang malinaw sa ngayon ay mayroong guidelines ang FB tungkol sa "Dangerous Organizations and Individuals," bagay na batayan para matanggal sa platform.
Mayroon ding kahalintulad na guidelines ang IG.
Matatandaang binura rin kamakailan ng YouTube ang accounts ng SMNI News, isang media outlet na kilala sa pagpapakalat ng disinformation.
Matagal nang nababatikos ang SMNI News dahil sa panre-redtag ng kanilang mga hosts sa mga ligal na aktibista.
Maliban sa mga progresibo, inuugnay din ng kanilang hosts sa rebeldeng Communist Party of the Philippines-New People's Army kahit ang mga major news outlets gaya ng Philstar.com dahil lang sa pagbabalita tungkol sa pagkamatay ng CPP-NPA leaders.
Bukod sa pagiging wanted sa FBI, ipinangangalandakan ni Quiboloy na siya ang "Appointed Son of God." Meron din daw siyang kakaibang kapangyarihan.
- Latest