Pinoy boss ng 'Bench' nilibre sa Disneyland 475 empleyado
MANILA, Philippines — Matindi-tinding "blowout" ang hatid ng Filipino-Chinese entrepreneur na si Ben Chan, ito matapos niyang dalhin sa Hong Kong ang daan-daang empleyado ng kanyang clothing brand.
Ito ang ibinahagi ng Bench founder sa kanyang Instagram account nitong Martes sa paggunita nila ng kanilang ika-35 na anibersaryo.
"Grateful beyond words for the incredible journey with my BENCH family," wika ni Chan sa kanyang paskil kahapon.
"Our 475 loyal employees are the heart of this celebration as we embrace the magic of HK Disneyland."
Pinasalamatan din ni Chan ang ilan sa kanyang mga tauhang may kapansanan. Kabilang na riyan sina Mark Sampang, Louie Dulay at John Ryan Cruz at 10 hanggang 16 na taon nang nagtratrabaho sa kumpanya.
Bagama't pipi't bingi, sobra-sobra na aniya ang mensaheng dala ng hindi mapantayang dedikasyon at loyalty ng mga nabanggit.
"Here's to more dreams fulfilled together!" kanyang panapos.
Hinangaan pati ng mga local celebrities gaya nina Kuya Kim Atienza, David Licauco, Tintin Bersola-Babao, Isabella Daza, atbp. ang ginawang ito ng naturang bossing.
Kamakailan lang nang mag-organisa ang naturang fashion brand ng fan meets para sa Korean stars na sina Wi Ha-jun, Kim Seon-ho sa Pilipinas, bukod pa sa K-pop group na ITZY. — James Relativo
- Latest