NBI: Jay Sonza kulong sa reklamong 'estafa,' 'illegal recruitment'
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na inaresto ang dating newscaster at TV host na si Jay Sonza matapos harangan ng Bureau of Immigration bago lumipad pa-Hong Kong.
Ito ang sinabi ni NBI Assistant Director Glen Ricarte sa ulat ng The STAR ngayong Martes matapos matuklasan ng BI na may pending pang kaso ng estafa laban sa kanya.
"Siya po. Ikinomit po siya sa pangalang Jose Y. Sonza ng [Regional Trial Court] Branch 100, Quezon City," wika ni Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Bureau of Jail management and Penology, sa panayam ng ABS-CBN News.
"Ito pong kaso niya po ay isa na estafa at isa na syndicated and large scale illegal recruitment."
JUST IN: The National Bureau of Investigation confirms detaining TV personality Jay Sonza after being temporarily detained by the Bureau of Immigration two weeks ago according to reports. @PhilippineStar
— Mark Ernest Villeza (@MEVVilleza) August 15, 2023
Paliwanag pa ng NBI, dalawang linggo na ang nakalilipas nang pansamantalang dineteyn ng BI si Sonza.
Agad naman daw tinurn over sa kostodiya ng NBI ang kontrobersyal na personalidad bago tuluyang mapasakamay ng BJMP sa QC.
"Accused Jose Y. Sonza should not be released except upon the order of this Court," wika ng commitment order na pinetsahang ika-27 ng Hulyo.
"The Chief, [NBI], is director to comply with the commitment protocol provided in LGU Executive Order No. 30 signed by mayor Josefina G. Belmonte, and the mandatory 14-day quarantine period at Quezon City Jail Ligtas Covid-19 Center (QCJ-LCC) located at Barangay Bagong Silangan, Payatas, Quezon City, instead of Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Quezon City."
Kontrobersyal ang naturang brodkaster dahil sa pagbanat niya noon sa ABS-CBN kahit na dati rin siyang naging mamamahayag.
Setyembre 2020 lang nang maibalitang kinasuhan si Sonza ng aktres na si Julia Barretto dahil sa dati niyang Facebook post na nagsasabing buntis ang dalaga sa nobyo at aktor na si Gerald Anderson.
Nakilala noon si Jay sa kanilang programang "Mel & Jay" sa ABS-CBN at GMA at maging sa Kapuso newscast na "Saksi." — may mga ulat mula kay The STAR/Mark Ernest Villeza
- Latest