Government workers, teachers walang umento sa sahod sa 2024 budget
MANILA, Philippines — Bigo sa kanilang nais ang mga empleyado ng gobyerno at mga guro matapos na mabatid na walang umento sa kanilang mga suweldo na nakapaloob sa P5.768 trilyong 2024 national budget ng pamahalaan.
Dahil dito, nitong Huwebes ay sinalubong ng picket ng iba’t-ibang grupo ng mga empleyado ng gobyerno kasama ang mga guro ang pagsisimula ng pagbusisi ng mga mambabatas ng Kamara sa panukalang pambansang pondo ng gobyerno.
Ang mga ito ay nagsagawa ng noise barrage sa gate ng Kamara na hinihikayat ang mga mambabatas na pakinggan ang hirit nilang umento sa kanilang mga suweldo.
“It is disappointing that in the proposed budget for 2024, the administration has zero allocation for salary increases of all government employees. This year, the implementation of the Salary Standardization Law V will end and the government is supposed to include in its proposal the next round of increases”, ayon kay Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Inihihirit ng ACT ang P50,000 entry-level pay para sa mga guro at P33,000 sa Salary Grade 1 employees.
Sa deliberasyon ng pondo ay kinuwestiyon ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro si Budget Secretary Amenah Pangandaman kung bakit walang nakalaang alokasyon para sa umento ng suweldo ng mga empleyado ng gobyerno at mga guro.
Ipinaliwanag naman ni Pangandaman na sa operating expenses ng gobyerno napunta ang malaking bahagi ng pambansang badyet.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa DBM Secretary karamihan ng pondo ay ilalagay ang alokasyon sa mga rehiyon habang ang iba pa ay sa iba pang bahagi ng kapuluan at central office.
Nabatid pa na maraming wage hike petition ang nakahain sa Regional Wage Boards na humihirit ng karagdagang P150 minimum na umento.
- Latest