Nasawi sa bagyong 'Egay' sumirit sa 29; Nasalanta lagpas 3-M na — NDRRMC
MANILA, Philippines — Papaakyat pa rin ang bilang ng mga binawian ng buhay buhat ng nagdaang Super Typhoon Egay at pinalakas nitong habagat, ito habang aabot na sa halos 300,000 ang lumilikas mula sa kanilang mga tahanan.
Ito ang ibinahagi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong tumabo na sa 3.02 milyon ang naaapektuhan ng bagyo kabilang ang:
- patay: 29
- sugatan: 165
- nawawala: 11
- lumikas: 287,057
- nasa loob ng evacuation centers: 57,226
- nasa labas ng evacuation centers: 229,831
Nakapagtala ng 1,062 insidente ng pagbaha, pagguho ng lupa, atbp. sa sari-saring bahagi ng bansa buhat pa rin ng sama ng panahon.
Naiulat ang mga nabanggit sa mga sumusunod na lugar:
- Ilocos Region
- Cagayan Valley
- Central Luzon
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Western Visayas
- Eastern Visayas
- SOCCSKSARGEN
- Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao
Inilagay na sa state of calamity ang nasa 232 lungsod at munsipalidad buhat ng bagyo, bagay na nagbibigay sa pamahalaan ng kapangyarihang magpatupad ng price free sa mga nasabing lugar.
Umabot na sa P3.63 bilyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa imprastruktura, maliban pa sa 56,694 kabahayang nasira nito.
Samantala, nasa P1.95 bilyong halaga ng pinsala naman na ang naitatamo ng bagyo sa sektor ng agrikultura na siyang nagpapaaray na ngayon sa nasa 117,033 magsasaka at mangingisda.
Apektado nito sa ngayon ang nasa 143,429 mahigit na ektaryang taniman. Bukod pa ito sa nasa P173.86 milyong cost of damage na naitamo sa livestock, poultry at mga palaisdaan.
Nakatanggap naman na ng P248.32 milyong halaga ng ayuda ang naibibigay sa mga nasalanta, bagay na inihanda ng Department of Social Welfare and Development, local government units, non-government organizations, Office of Civil Defense, mga pamahalaang panlalawigan atbp.
Huwebes lang nang manawagan ang Amihan national, isang organisasyon ng mga babaeng pesante ng P25,000 ayuda sa pagtatanim upang makatulong sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng bagyo.
- Latest