SALN ng Pampanga mayor pinasisilip ng House sa graft probe
MANILA, Philippines — Nais na masuri ng House committee on public accounts ang statements of assets, liabilities and net worth (SALNs) ni Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang kaugnay sa umano’y kuwestiyunableng transaksiyon na nagkakahalaga ng P149 milyon.
Dahil dito kaya ipapatawag ng komite ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sina Mexico accountant Perlita Lagman, Rizalito Dizon, Dr. Roberto Tugade at Eduardo Santiago.
Sa pagdinig nitong Miyerkules, sinabi ni Paduano na susulat siya sa Office of the Ombudsman upang humingi ng certified copies ng SALNs ni Tumang. Ito’y matapos hilingin ng ilang kongresista ang dokumento para alamin kung may kakayahan ang alkalde na i-reimburse ang munisipyo ng P43 milyon mula sa P89 milyong transaksiyon na na-disallowed ng Commission on Audit (CoA) noong 2018.
Sa paliwanag ni Mayor Tumang, sinabi nito na may pangangailangan para sa delivery ng serbisyo publiko sa lokal na pamahalaan ng Mexico upang maging higit na episyente at makalikha ng mga bagong imprastraktura para maisaayos ang trapiko sa kanilang bayan gayundin ay mapaluwag ang mga opisina.
Orihinal na umabot sa P149 milyon ang pina-dis-allowed ng CoA na naibaba sa P89 milyon matapos ang apela ni Tumang at iba pang mga opisyal ng munisipyo.
Sinabi naman ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel na mahalaga ang presensiya ng apat sa susunod sa pagdinig ng komite para malinawan ang panel sa naturang isyu.
Nitong nakalipas na Miyerkules, ipinagpatuloy ng House panel ang motu proprio inquiry kaugnay sa umano’y iregularidad sa procurement process na pinasok ng Mexico, Pampanga na posibleng paglabag umano sa relevant auditing, procurement, at ibang alituntunin.
- Latest