Biglang sipa sa presyo ng bilihin dahil kay 'Egay' pinaaaksyunan
MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ng agarang "price freeze" at ayuda para sa mga magsasaka ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa mga lugar na nasalanta ng nagdaang Super Typhoon Egay — ito dahil sa pinsalang itinamo ng sama ng panahon.
Una nang sinabi ng Department of Agriculture nitong Miyerkules na inaasahan nitong maapektuhan ang presyo ng gulay dulot ng bagyo, bagay na ramdam na sa ngayon.
"Mabilis na makakalimutan ang mga sinabi sa [State of the Nation Address] ng Pangulo dahil ilang araw lang makalipas, nadelubyo na ang bansa ng supertyphoon Egay," KMP secretary general Ronnie Manalo.
"Mas lalong tataas ang presyo ng pagkain at mga bilihin dahil sa epekto ng superbagyo."
Isa sa mga ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang SONA ang pagbagal ng inflation rate, bagay na iniugnay naman ng IBON Foundation sa pagbaba ng presyo ng langis at fertilizer sa world market kaysa sa pagkilos ng administrasyon.
Presyo ng bilihin: ngayon vs last week
Sa price monitoring ng Department of Agriculture, na siyang pinangungunahan ni Marcos Jr., makikita ang paggalaw sa mga presyo bago makapasok at matapos makalabas ng bagyong "Egay" sa Philippine area of responsibility:
- patatas: hanggang P200/kilo (mula sa dating hanggang P160/kilo)
- pechay: hanggang 150/kilo (mula sa dating hanggang P100/kilo)
- kamatis: hanggang sa P120/kilo (mula sa dating hanggang P100/kilo)
- pulang sibuyas: hanggang P200 (mula sa dating hanggang P180/kilo)
- ampalaya: hanggang P140/kilo (mula sa dating hanggang P120/kilo)
- repolyo: hanggang P160/kilo (mula sa dating hanggang P150/kilo)
- carrots: hanggang P260/kilo (mula sa dating hanggang P250/kilo)
Umabot na sa P58.36 milyong halaga ang napipinsala sa ngayon ng bagyo sa sektor ng agrikultura na siyang nakaapekto na sa 3,364 magsasaka at mangingisda, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Una nang nagtaas ng state of calamity sa Ilocos provinces, Cavite, Sanchez Mira sa Cagayan at Sablayan sa Occidental Mindoro. Dahil dito, kinakailangang magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga naturang lugar.
Diyan lang nakataas ang state of calamity kahit na 502,782 katao ang nasalanta ni "Egay" at ng pinalakas nitong Hanging Habagat sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nasan ang pangulo?
Dismayado rin ang grupo nina Manalo lalo na't wala na naman sa Pilipinas sa gitna ng sakuna. Matatandaang tumulak si Bongbong sa Malaysia para sa isang state visit.
"It is rather unfortunate that every time a calamity hits the country, the President is somewhere else, most of the time, out of the country enticing businesses to invest in the Philippines," dagdag pa ng KMP leader.
"Hindi sapat na nakamonitor lang sa sitwasyon ang Pangulo, dapat nandito siya kapag kailangan siya ng ating mga kababayan."
"Every year, during the southwest monsoon season, farmers and fishers endure this calamity situation. Such condition further buries them in poverty and debt."
Matatandaang nabatikos noon si Bongbong matapos ang kontrobersyal niyang pagpunta ng Singapore para sa Grand Prix habang kasagsagan ng Super Typhoon Karding.
Nananawagan sa ngayon ang progresibong grupo ng mga magsasaka na agarang magpatupad ng price freeze sa mga lugar na tinamaan ng bagyo maliban sa ayuda para sa mga magbubukid, mangingisda at mga tagaprobinsya.
Nangyayari ang lahat ng ito habang tinatayang papasok ng PAR ang isang "typhoon" sa Sabado, bagay na papangalanang "Falcon."
- Latest