Bangka tumaob: 30 patay, 30 nasagip
MANILA, Philippines — Nasa 30 katao ang nasawi makaraang tumaob ang isang pampasaherong bangka sa Laguna de Bay malapit sa Talim Island sa Binangonan, Rizal nitong Huwebes ng hapon.
Sa inisyal na impormasyon ng Philippine Coast Guard Sub-Station Binangonan, dakong ala-1 ng hapon nang tumaob ang MBCA Princess Aya, may 30 yarda ang layo sa Talim Island sa Barangay Kalinawan sa bayan ng Binangonan.
Hinampas umano ng malakas na hangin ang bangka dahilan para mag-panic ang mga pasaherong sakay nito at nagpuntahan sa kaliwang bahagi ng bangka sanhi para maputol ang katig nito at tumaob.
“They went to the port side of the motorbanca, causing it to capsize,” ayon sa PCG.
Nasa 21 bangkay ang unang narekober habang 6 pa ang nawawala. Tatlompu naman ang nasagip.
Sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, nakatutok sila ngayon sa retrieval operation at inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng mga narerekober na katawan.
Isa sa tinitingnan na sanhi ng paglubog ng bangka ay overloading. Ayon sa lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRMMO), nasa 22 lang ang nakalagay sa manipesto ng bangka.
Wala na umanong storm signal sa bayan ng Binangonan at hindi na rin kalakasan ang alon kaya pinayagan nang makapaglayag ang mga bangka na tumatawid mula sa Port of Pritil sa bayan ng Binangonan patungo sa Talim Island.
- Latest