10,000 progresibo bumuhos sa kalsada vs 'State of No Action' ni Marcos Jr.
MANILA, Philippines — Libu-libong raliyista ang nagtipon sa kahabaan ng Commonwealth Ave. Quezon City ngayong Lunes para sa kanilang "People's SONA" protest bilang tugon sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Umabot sa 10,000 ang estima ng Bagong Alyansang Makabayan sa mga lumahok ngayong umaga hanggang 2 p.m., bagay na nagpahayag ng kanilang disgusto sa pamumuno ni Marcos pagdating sa larangan ng ekonomiya at pulitika.
"Sa ikalawang SONA ni Ferdinand Marcos, Jr., mas marapat na tawagin ang kanyang talumpati bilang State of No Action," wika ng Kilusang Mayo Uno sa isang statement.
"Walang nagawa, walang pinakinggan, walang ikinonsidera sa makatwirang mga panawagan ng uring manggagawa at mamamayan."
LOOK | Pagtitipon-tipon ng iba't ibang mga militanteng grupo, dumating na sa Tandang Sora, QC para sa isang mas malakihang programa kasabay ng ikalawang SONA ni PBBM. Tinawag nila ang naturang pagkilos bilang "People's SONA".@News5PH @onenewsph @News5E pic.twitter.com/FWDzaXxjfT
— Mon Gualvez (@mongualvez) July 24, 2023
Wika ng grupo ng mga manggagawa, wala pa ring makabuluhang dagdag sahod ang mga obrero matapos ang "barya-baryang" P40 dagdag sa minimum na pasahod sa National Capital Region — ang nag-iisang nakakuha ng umento sa sahod sa 17 rehiyon ng bansa.
Bukod dito, wala pa rin aniya hustisiya sa 71 manggagawang pinaslang mula 2016-2023 habang "tumitindi ang mga porma ng mga paglabag sa karapatan."
"Patuloy ang pananalasa ng patakarang kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng flexible labor," dagdag pa ng KMU.
"Sa kabila ng pagmamalaki ng gobyerno na tumataas ang employment rate, ikinukubli nito ang tunay na kalagayan ng di-seguro at di-estableng empleyo at trabaho na mapipilitang pasukin ng mga manggagawa sa kabila ng mababang sahod, temporary arrangement, at lansakang pagkakait ng benepisyo at paglabag sa mga labor standards."
Napuna rin ang halos P1 trilyong inutang ng gobyerno sa ilalim ng panunungkulan ni Bongbong, bagay na dagdag pa sa P13 trilyong iniwan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pagsunog ng effigy paglabag sa 'Clean Air Act'
Sinunog din sa naturang pagtitipon ang "Dobre Kara" effigy ni Marcos Jr., bagay na may mga katagang "Rob The Philippines" — isang linyang hango sa bagong slogan ng Department of Tourism.
Pero ani National Capital Region Police Office PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., maaaring humarap sa reklamong ligal ang mga raliyista dahil sa umiiral na Clean Air Act.
"Kung magsunog sila, on their own 'yun. Pero kung may makitaan kami... ma-document, they will of course face penalties for that [while] implementing 'yung Clean Air Act natin," ani Naratez sa panayam ng media.
SONA PROTESTS
— Philstar.com (@PhilstarNews) July 24, 2023
Protesters march towards Congress as they stage a rally in Quezon City, on July 24, 2023 to coincide with the State of the Nation address by Philippines' President Ferdinand Marcos Jr. #SONA2023 https://t.co/aHp3sHApiM
???? AFP/Ted Aljibe pic.twitter.com/y5M6pC03pL
Sinagot naman ng human rights lawyer at chairperson ng Free Legal Assistance Group na si Chel Diokno ang pahayag ni Nartatez, lalo na't hindi raw ito ang nararapat na pagpapatupad sa batas.
Biro pa ng abogado, nakakapagtaka at bigla raw "sinisipag" ang Philippine National Police sa pagpapatupad ng environmental laws.
"It is true that the Philippine Clean Air Act bans the burning of waste which emits poisonous/toxic fumes, but the prohibition does NOT apply to "traditional small-scale method ofcommunity/neighborhood sanitation 'siga', traditional, agricultural, cultural, health, and food preparation and crematoria," ani Diokno.
"Mabuting i-implement ang batas na ito, pero iba rin ang timing."
Repormang agraryo pina-aaksyunan
Samantala, iginiit naman ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na sumama rin sa malawakang pagkilos, na lalo pang lumala ang kabuhayan ng kalakhan ng mga Pinoy sa ilalim ni Marcos.
Imbis na tugunan ang mga problema ng mga magsasaka, nakapagtatakang inuna pa raw ni Bongbong ang ilang "anti-farmer policies" gaya ng Regional Comprehensive Economic Partnership, Maharlika Investment Fund, SPLIT Project, atbp.
Nakaranas din aniya ang mga nasa kanayunan ng papalalang poverty incidence — 30% sa mga magsasaka at 30.6% para sa mga mangingisda.
Hinamon naman ng KMP ang Kamara na muling buksan ang mga pagdinig kaugnay ng House Bill 1161 or the Genuine Agrarian Reform Bill, bagay na nakabinbin pa rin sa Konggreso sa nakalipas na 15 taon.
Kamakailan lang nang pirmahan ni Marcos Jr. ang isang batas na siyang "magtatanggal" sa utang ng mga ng mga agrarian reform beneficiaries na nagkautang dulot ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
- Latest