Tropical Depression Egay posible maging typhoon, mag-landfall sa northern Luzon — PAGASA
MANILA, Philippines — Tuluyan nang naging tropical depression ang low pressure area sa silangan ng Pilipinas, 8 a.m. ng Biyernes, at tatawagin nang Egay — bagay na nakikitang magtatagal sa Philippine area of responsibility nang halos isang linggo.
Huling namataan ang sama ng panahon 950 kilometro silangan ng southeastern Luzon kaninang 3 a.m., ayon sa taya ng PAGASA.
"Inaasahan po na mananatili pa itong weather disturbance sa loob ng five to six days sa loob ng ating [PAR]," ani DOST-PAGASA weather specialist Benison Estareja sa isang forecast kaninang umaga.
"Posibleng lumakas pa ito bilang severe tropical storm or isang typhoon pagsapit po ng Monday or Tuesday."
Hindi inaalis ng state weather bureau na magtaas agad ng tropical cyclone wind signals pagsapit ng Linggo.
Maaaring mag-landfall
Dalawang scenario ang nakikitang posibleng mangyari ng state weather bureau sa ngayon: kung hindi ito sasalpok sa kalupaan o kikilos patungong Japan.
"Either magla-landfall po dito sa may Northern Luzon or kikilos pa rin dito sa may karagatan sa silangan po ng Northern Luzon hanggang sa magtungo po sa southern islands of Japan," wika pa ni Estareja.
"Patuloy tayong magmo-monitor po regarding sa mga pagbabago, direksyon at pagkilos nitong nasabing weather disturbance."
Bagama't wala pang direktang epekto ang LPA sa ngayon, ang southwest monsoon o hanging habagat ay unti-unting magpapaulan sa kanlurang bahagi ng southern Luzon at western Visayas ngayong araw.
- Latest