P350 milyong ukay-ukay, mosquito coils nadiskubre ng BOC sa Bulacan
MANILA, Philippines — Ang isinagawang implementasyon ng Letter of Authority (LOA) ng Bureau of Customs (BOC) sa ilang bodega sa Marilao, Bulacan ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng tinatayang aabot sa P350 milyong halaga ng used clothing o Ukay- Ukay, mosquito coils, fake goods, at iba pang imported na produkto na pawang mula sa China.
Ang LOA, na inisyu ni Customs Commissioner Bien Rubio, ay inimplementa kamakalawa, Hulyo 13, ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), sa pangunguna ni Intelligence Officer 3 Alvin Enciso, sa mga bodega sa Phil. Asia Pacific Realty Compound, Villarica Road, Sta. Rosa 1, Marilao, Bulacan.
“The team inspected the warehouses and found them to contain Used Clothing or ukay-ukay, Mosquito Coils, IPR-infringing goods, and other suspected smuggled imported goods,” anang komisyuner.
Ang mga umano’y smuggled goods sa loob ng naturang warehouses ay tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P350 milyon.
”Several warehouses were found to contain smuggled goods after we served the LOA to the warehouse admin and respective warehouse representatives,” ayon kay Enciso.
Naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahente ng CIIS-MICP, mga personnel mula sa Philippine Coast Guard, PNP-Marilao at barangay officials sa pagsisilbi at implementasyon ng LOA.
Sinabi ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na ang naturang warehouses ay selyado na at pansamantalang nilagyan ng padlak ng kanilang grupo.
- Latest