Tubig sa Angat ‘di sasadsad sa critical level -MWSS
MANILA, Philippines — Hindi sasadsad sa critical level ang antas ng tubig sa Angat dam sa Bulacan.
Ito ang pampakalmang pahayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa publiko kaugnay ng antas sa krisis sa tubig.
Sinabi ni Engineer Patrick Dizon, Division Manager ng MWSS na batay sa pag-aaral na ginawa ng Inter-Agency Technical Working Group na nakatutok sa Angat Dam kasama ang mga kinatawan ng Pagasa, National Water Resources Board, National Irrigation Administration at iba pang ahensiya na hindi aabot sa mas kritikal na antas ng water level ang Angat.
Ayon sa datos ng PAGASA, ang projection ng pinakamababang water level sa Angat ay nasa 175-176 meters na mas mataas sa 160 meters na critical level ng dam.
Anya, ang inaasahang apat na bagyo ay mapapalakas ng habagat at magpapaulan sa mga watershed ng Angat na magbibigay ng pagtaas ng tubig sa dam.
Sinabi pa ni Dizon na nag-uusap na ang dalawang kompanya ng tubig na Maynilad at Manila Water para buksan ang cross boarder valve kung saan nagtutulungan ang mga ito sa pagsusuplay ng tubig sa milyong mga customer.
Kaugnay nito ay nanawagan si Dizon sa publiko na patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig lalot tatagal pa ang El Niño hanggang sa ikalawang quarter ng 2024.
- Latest