Higit 25K voter records inalis - Comelec
MANILA, Philippines — Higit 25,000 voter records ang inalis ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa double o multiple registration at iba pang dahilan.
Isinagawa ang paglilinis bilang paghahanda sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakdang gawin sa Oktubre.
Lumalabas na mayroong 25,440 records sa buong bansa ang natanggal na sa National List of Registered Voters o NLRV, ayon sa Comelec.
Sa naturang bilang, 12,987 ang inalis sa listahan ng Comelec dahil sa 2 o higit pang fingerprints sa Automated Fingerprint Identification System o AFIS.
Nasa 12,274 ang mga botanteng nag-transfer o lumipat na sa ibang lungsod o munisipalidad, habang 2 ang nabigong makaboto sa nakalipas na dalawang magkasunod na regular elections.
Nasa 168 ang namatay na base sa opisyal na report ng Local Civil Registrars at 9 ang inalis matapos madiskubreng mayroong double o multiple records.
Samantala sa Hunyo 27, magsasagawa ang Comelec ng Joint Coordinating Conference kaugnay ng public hearing sa panukalang pagpapaliban ng BSKE 2023 sa Negros Oriental.
- Latest