Consumer group pinalagan planong 'P10 tax' sa maaalat, matatamis na pagkain
MANILA, Philippines — Tinutulan ng isang grupo ng mamimili ang plano ng Department of Finance na magpataw ng dagdag buwis sa mga pagkaing labis sa alat at inuming matatamis, bagay na magpapataas pa raw sa presyo ng pangunahing bilihin.
Ngayong linggo lang nang ianunsyo ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang plano nilang magpataw ng P10 buwis kada 100 gramo o P10 buwis kada 100 milliliter ng pre-packaged foods na lagpas sa specified threshold ng Department of Health para sa taba, alat at asukal.
"Any additional tax is an additional price burden. We know for a fact that many poor Filipinos rely on cheap instant noodles and canned goods due to our current economic situation," ani Lester Codog, convenor ng Bantay Palengke ngayong Biyernes.
"How will they manage their meager budget if we will add another 10 pesos on every 100 grams of affordable products that can help them ease hunger?"
Planong gawin ng economic team ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga dagdag buwis para lumikha nang karagdagang pagkakakitaan habang tinutulungan diumano tugunan ang problema ng bansa sa kalusugan gaya ng diabetes, obesity, atbp.
Una nang sinabi ni Diokno na gagamitin ang kikitain dito sa mga programa ni Bongbong, gaya na lang ng food stamp program ng Department of Social Welfare and Development.
Ito'y kahit una nang sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na buong-buo itong popondohan ng grants mula sa Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at French Development Agency.
Gusto rin ng DOF na itaas ang sweetened beverage tax sa ilalim ng TRAIN law patungong P12 kada litro.
"We don’t argue on the health issues resulting from the consumption of junk food. Pero ang junk food para sa iilan ay pantawid-gutom para sa mas marami nating kababayan," dagdag pa ni Codog.
"There are other ways to approach this problem without adding another burden to our people. As for the need for revenue, we suggest that the government address the inefficiency in our tax collection first and plug the leaks in revenue collection."
'Mahihirap ang tatamaan'
Una nang sinabi ng ilang ekonomista na mga mahihirap at nasa panggitnang-uri (middle class) ang tatamaan nang husto ng nasabing panukala.
Ayon kay Leonardo Lanzona, propesor sa Ateneo de Manila University, mataas ang "elasticity" ng ganitong mga produkto. Ibig sabihin, mataas ang posibilidad na bumaba ang demand para dito at hindi mapataas ang koleksyon ng kinakailangang tax revenues.
Wika naman ni IBON executive director Sonny Africa, makakalikom ang gobyerno ng karagdagang buwis lalo na't walang alternatibo sa mga naturang pagkain ang mahihirap na Pilipino.
Payo tuloy ng Bantay Palengke, kinakailangang itulak ng gobyerno ang pagbibigay ng subsidyo sa masusustansyang pagkain gaya ng prutas at gulay upang mas maging abot-kaya ito para sa mga mahihirap.
"This could be a win-win situation for both our farmers and consumers, for the management of food prices and for health. It should be clarified, however, that the subsidies should come first before we consider any new tax on the poor’s staple food," panapos ni Codog.
- Latest