Marcos Jr. aprubado pilot at 'full implementation' ng food stamp program
MANILA, Philippines — Pormal nang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang panimula at opisyal na pagpapatupad ng "food stamp" program ng gobyerno sa layuning matugunan ang kagutuman lalo na sa mga mahihirap na pamilya.
Una nang iniulat na P3,000 food credits ang ibibigay sa mga target beneficiaries para makabili ng pagkain sa accredited retailers ng Department of Social Welfare and Development.
"President Ferdinand Marcos approved the pilot and full implementation of the projects under this [food stamp] program," ani Daphne Oseña-Paez sa isang press briefing, Miyerkules, habang inuulat ang nangyaring sectoral meeting ngayong umaga tungkol sa DSWD program.
"Bukod sa target beneficiaries na bottom million households, pinatitiyak din ng pangulo na mapabilang sa programa ang mga single parent, pregnant and lactating women para ma-address ang first 1,000 days advocacy."
Inutusan na rin ni Marcos ang DSWD at ang Department of Health para silipin ang nutritional value ng ng pagkaing ibibigay sa mga program beneficiaries.
Una nang sinabi ng DSWD na kakailanganin ng P40 bilyon taun-taon para maisakatuparan ang nasabing plano ng gobyerno.
Sa huling survey ng Social Weather Stations noong Marso, lumalabas na umabot sa 9.8% ng mga pamilyang Pilipino (2.7 milyon) ang nakaranas ng involuntary hunger at kawalan ng pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.
$30-M pondo magmumula sa grants
Paliwanag ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, plano ng programang mapakain ang nasa 1 milyong "food poor" families. Aniya, buong-buo itong popondohan gamit ang "grants" mula sa Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at French Development Agency.
"That will be $3 million all in all. There's a provision to expand it. ADB is working on other trust funds so that we could expand the pilot," ani Gatchalian sa parehong briefing.
"But other than that, it's all green lights go na for the pilot which will take place shortly... It will take place for six months."
Inaasahan na gagamitin ang pilot implementation para malaman kung ano ang mga pwedeng ayusin pa o kailangang hindi na ulitin. Gagawin daw ito upang maiwasan ang pagsasayang ng pondo ng gobyerno.
Kontra 'stunting'
Ipinaliwanag din ni Gatchalian kung bakit gusto ni Marcos na isama ang mga buntis at nagpapasusong mga nanay sa programa bilang aksyon laban sa hindi pagde-develop nang maayos (stunting) ng mga bata sa Pilipinas.
"Alam natin 'yung problema ng stunting is very important and very crucial na masugpo natin if we are to invest in human capital," dagdag pa ni Gatchalian kanina.
Aniya, magtutulungan sila ngayon ni Health Secretary Ted Herbosa kaugnay ng Philippine Multi-Sectoral Nutrition Program sa pangunguna ng World Bank 60 na ang nakalilipas.
Nasa 70% ng programa ay nasa DOH sa pagpapatupad ng "nutrition specific programs" habang "nutrition sensitive programs" naman ang sa DSWD. Hindi lang daw kasi pagkain ang dapat tinitignan sa problema ng stunting, gaya ng pagkakaroon ng wash facilities, sapat na daycare centers, atbp. para makatulong sa mga kabataan at mga ina.
"Health is actually the measure of stunting and malnutrition. If there's a feeding program, like the food stamp program, we will locate through our partners and [local government units] who are the mildly malnourished, moderately malnourished and the severely malnourished," paliwanag ni Herbosa.
"And there are medical parameters of who to say they are. We use the weight, the height, the mid, upper arms circumference."
Dagdag pa ng kalihim, gagamitin nila ito upang i-monitor na nababago ng food stamp program ang mga severely malnourished matapos ang ilang panahon hanggang sa hindi na sila nakararanas ng malnutrisyon.
Ani Herbosa, nakaaapekto sa ngayon ang stunting sa 21.6% ng mga Pilipinong edad 0-23 taong gulang. Nas 28.7% din daw ang sumasailalim dito sa mga wala pang 5-anyos.
- Latest