13,811 katao inilikas na sa pag-aalburoto ng Mayon, ayon sa NDRRMC
MANILA, Philippines — Imbis na tumaas, bumaba nang halos 1,000 ang bilang ng mga residenteng napalikas dulot ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ngayong Martes kumpara kahapon ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Linggo lang ng gabi nang magsimulang umapaw ang lava mula sa bunganga ng bulkan, bagay na sinasabing "less violent" kumpara sa explosive eruptions na nangyari na noon.
"A total of 3,876 families or 13,811 persons were affected," wika ng konseho ngayong araw.
"Of which, 3,701 families or 13,179 persons were served inside 21 [evacuation centers] and 175 families or 632 persons were served outside EC."
Kapansin-pansing umabot na sa 14,376 ang bilang ng displaced persons nitong Lunes bagay na mas mataas nang husto kumpara ngayong araw.
Kung titilad-tilarin, narito ang itsura ngayon ng mga nasalanta sa Bicol Region:
- apektado: 13,811
- nasa loob ng evacuation centers: 13,179
- nasa labas ng evacuation centers: 632
Samantala, umabot na rin sa 89 hayop ang sumailalim sa pre-emptive evacuation sa naturang rehiyon.
Lumobo naman na sa P25.61-milyong halaga ng ayuda ang inilabas para sa mga nasalanta sa Bikol sa porma:
- hapunan: P40,000
- tubig: P25,350
- family food packs: P16.74 milyon
- family tent: P81,000
- hot meals: P17,000
- hygiene kits: P3.43 milyon
- modular tents: P1.46 milyon
- sleeping kits: P2.72 milyon
- bath towels, pancit dry, biscuits, rice: P92,380
- family kit, hygiene kit: P973,720
- iba pa: P10,000
Rockfall events, lindol at pyroclastic density current
Nakapagtala naman na ang ang state volcanologists ng mga sumusunod na seismic activities sa nakalipas na 24 oras:
- volcanic earthquakes: 1
- rockfall events: 221
- pyroclastic density current event: 1
- sulfur dioxide flux: 723 tonelada kada araw
- plume: katamtamang pagsingaw; napadpad sa hilagangsilangan
- ground deformation: namamaga ang bulkan
"Nakikita ang banaag (crater glow); mabagal na pag-agos ng lava mula sa summit crater," dagdag pa ng Phivolcs.
BULKANG MAYON
— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) June 13, 2023
Buod ng 24 oras na pagmamanman
13 Hunyo 2023 alas-5 ng umaga #MayonVolcano
Filipino: https://t.co/OyvNgQ3ERG…
English: https://t.co/omnzfxzyh8… pic.twitter.com/K38lai8kY8
Ang pyroclastic density currents ay tumutukoy sa halu-halong piraso ng volcanic materials o pyroclastics, abo at mga maiinit na gas na umaagos pababa sa volcanic slopes.
Mga ipinagbabawal, paalala
Ipinagbabawal pa rin sa ngayon, bilang rekomendasyon, ng Phivolcs ang sumusunod:
- pagpasok sa anim na kilometrong (6 km) radius permanent Danger Zone
- Paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan
Pinapaalala naman sa ngayon na maaaring maganap ang mga sumsunod habang nasa magtaas na aktibidad ang Mayon: pagguho ng bato, mga iniitsang tipak ng lava o bato, pag-agos at pag-itsa ng lava, uson, katamtamang pagputok at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
- Latest