Bagyong 'Chedeng' namuo sa silangan ng Visayas, posible maging typhoon
MANILA, Philippines (Updated 12:10 p.m.) — Ganap nang naging isang tropical depression ang noo'y low pressure area sa silangan ng Eastern Visayas, dahilan para ito na ang ikatlong bagyong nakapasok sa Philippine area of responsibility para sa taong 2023.
Namataan ng PAGASA ang Tropical Depression Chedeng 1,170 kilometro silangan ng Eastern Visayas bandang 11 a.m. Sinasabing naging bagyo ito kaninang 8 a.m.
- Lakas ng hangin: 45 kilometro kada oras malapit sa gitna
- Bugso ng hangin: hanggang 55 kilometro kada oras
- Pagkilos: halos hindi gumagalaw
"Tropical Depression CHEDENG is forecast to remain far from the Philippine landmass. As such, it is unlikely to directly bring heavy rainfall over any portion of the country in the next three to five days," wika ng PAGASA sa isang pahayag.
"While the current forecast scenario for this tropical cyclone may result in the enhancement of the Southwest Monsoon, the areas that will be affected, timing, and intensity of monsoon rains over the country (especially in the western portion) may still change due to the dependence of monsoon enhancement on the forecast movement and intensity of CHEDENG and its interaction with the other weather systems surrounding it."
Dahil nakikitang mananatiling malayo ito sa kalupaan, mababa pa naman ang posibilidad na magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa anumang bahagi ng Pilipinas.
Una nang sinabi ng PAGASA na posibleng umabot ng 15 bagyo ang makapasok sa loob ng PAR hanggang Oktubre kahit na nakaamba pa rin ang banta ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ang lahat ng ito ay nangyayari ngayong nagsimula na ang panahon ng tag-ulan sa Pilipinas nitong ika-2 ng Hunyo.
Posibleng maging typhoon
Kahit na malayo pa ngayon sa Philippine landmass, nakikitang patuloy na lalakas ang bagyo habang bumibilis at kumikilos pahilagangkanluran ngayong araw bago pumihit patungong kanluran hilagangkanluran sa Miyerkules.
"Owing to favorable environmental conditions, CHEDENG is forecast to intensity in the next 4 days and may be upgraded to tropical storm category by tomorrow," dagdag pa ng state weather bureau.
"This tropical cyclone may reach typhoon category by Thursday and reach its peak intensity during the weekend while over the Philippine Sea east of Northern Luzon."
Sinasabing mananatili ito sa pagkilos nito kanluran hilagangkanluran mula bukas hanggang Huwebes. Matapos ito, magmamaniobra ito pahilagangkanluran sa Biyernes at patungong norte pagdating ng weekend.
- Latest
- Trending