EO na magpapalakas sa private sector sa PPP, pinirmahan ni Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Naglabas ng isang executive order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-amyenda sa komposisyon ng Public-Private Partnership Governing Board (PPPGB) upang higit na mapalakas ang partisipasyon ng pribadong sektor sa mga usaping may kinalaman sa PPP, kabilang ang mga big-ticket na proyekto ng pamahalaan.
Nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 30 nitong Hunyo 2, 2023 na may pamagat na, “Strengthening Private Sector Participation in the Public-Private Partnership Governing Board Established Under Executive Order No. 136 (S. 2013), and Further Amending EO No. 8 (S. 2010), As Amended, For the Purpose.”
Nakasaad sa EO na kailangang gumawa ng mga pagbabago dahil sa muling pagsasaayos ng National Competitive Council (NCC).
Inayos muli ng EO No. 8 ang Build-Operate-Transfer Center at pinalitan ito ng pangalan bilang PPP Center, na kalakip ng National Economic and Development Authority (NEDA), at inaatasan na magsilbing central agency ng koordinasyon at pagsubaybay para sa lahat ng proyekto ng PPP sa bansa.
Nakasaad din sa EO 30 na ang Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 ay “inorganisa ang NCC bilang Ease of Doing Business at Anti-Red Tape Advisory Council,” na nagpapawalang bisa sa posisyon ng Private Sector Co-Chairperson ng NCC.
- Latest