Mga pribadong kolehiyo, simot ang pera sa loob ng 2 buwan sa ‘no permit, no exam’
MANILA, Philippines — Umalma ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) sa panukalang ipagbawal ang “no permit, no exam” policy sa dahilang mauubusan ng cash ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa loob lamang ng dalawang buwan sakaling maisabatas ito.
Sinabi ni COCOPEA Chairperson Bernard Villamor na base sa isang pag-aaral ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), ang mga nakokolektang tuition at iba pang fees sa ngayon ay sapat lamang upang mabayaran hanggang pitong buwan ang mga operational expenses ng mga pribadong paaralan.
Sakaling maipatupad ang pagbabawal sa “no permit, no exam” policy, lalong mababawasan ang cash flow ng mga pribadong unibersidad at paaralan at sa loob lamang ng dalawang buwan ay malulugi na ang mga ito.
Dagdag pa ni Villamor na mayroon ding pag-aaral ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) kung saan 64.2% ng mga colleges at universities ang palugi na o bahagya na lamang kumikita dahil karamihan sa mga nasisingil na tuition fees ay napupunta lamang sa mga monthly expenses gaya ng pasuweldo, bayad sa kuryente, upa, at iba pa.
Nagbabala si Villamor na sakaling kapusin ang pangtustos ng mga pribadong paaralan sa kanilang operasyon dahil sa mga late payments, mapipilitang magsara nang tuluyan ang mga ito.
Nakaumang na maaprubahan ng Bicameral Committee ang Senate Bill 1359 at House Bill 7584 na nagbabawal sa mga educational institutions na ipatupad ang hindi pag-exam ng mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng kanilang mga financial obligations.
Nangangamba ang COCOPEA na dahil sa mga panukalang alisin ang “no permit, no exam,” maaaring tuluyan nang hindi magbayad ng tuition fees ang mga estudyante at kanilang mga magulang.
- Latest