48 armed groups minomonitor ng PNP
Paghahanda sa Brgy, SK elections
MANILA, Philippines — Minomonitor ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 48 private armed groups bilang paghahanda sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Sa pahayag ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa tatlong aktibong private armed groups at 45 potential armed groups na kikilos sa nalalapit na halalan.
Ayon naman kay PNP Public Information Office chief BGen Redrico Maranan, kumikilos na ang kanilang intelligence group upang maisagawa ang posibleng pagdakip at pagkumpiska sa mga armas ng mga ito.
“Kung sa pagtaya ng ating mga ground commander ay kailangan magkaroon ng search warrant operations para makuha natin ‘yung iligal na armas sa kanilang pag-iingat,” ani Maranan.
Maari ring gamitin ang PAGs ng mga tiwaling pulitiko at indibiduwal sa barangay at SK elections.
Tiniyak naman ni Maranan na mas paiigtingin nila ang kanilang operasyon laban sa illegal firearms sa panahon ng halalan.
“Sisiguruhin natin sa susunod na eleksyon ay magiging tahimik at mapayapa,” ani Maranan.
Una nang sinabi ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na 100% na silang handa sa BSKE na gagawin sa Oktubre 30.
- Latest