Pagpataw ng 1% withholding tax sa online sellers, pinalagan
MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang Consumer Group na ibasura ang balak na magpataw ng one percent withholding tax sa kalahati ng gross remittances ng mga online platforms providers sa kanilang mga online sellers.
Sa isang pahayag, sinabi ng civil society group United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) “big blow” o malaking dagok umano ito sa mga ordinaryong mamayan na hanggang ngayon ay hindi pa naman tuluyang nakaahon sa hirap na idinulot ng COVID-19 pandemic.
Ipinangangamba rin ng grupo na pinamumunuan ni Rodolfo Javellana, Jr., na ang panukalang one percent withholding tax ng Bureau of Internal Revenue ay panimula pa lamang ng mga planong bagong buwis na nakatakdang isulong ng Department of Finance (DOF) na magpapahirap pa sa mga ordinaryong Pilipino.
“Hindi pa po tayo tuluyang nakakabangon mula sa pagkakasadlak ng ekonomiya dulot ng pandemya. Patuloy na naghihirap ang mga kababayan dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin, gasolina, kuryente, at iba pa,” saad ni Javellana.
Maliban sa one percent withholding tax, inihayag na ng DOF na isusulong ng departamento sa mga susunod na taon ang mga bagong buwis katulad ng motor vehicle road user’s tax (MVRUT), at karagdagang excise tax sa mga sweetened beverages.
Ang mga nabanggit ay karagdagan sa mga nakabinbing tax reform packages ng nakaraang administrasyong Duterte kabilang ang Passive Income and Financial Intermediary TaxaGon Act, value-added tax (VAT) on digital service providers, and excise taxes on single-use plastics and pre-mixed alcohol.
Umaapela ang UFCC kay Pangulong Marcos na tuparin nito ang kanyang pangako noong kampanya na kanyang protektahan ang mga maliliit na negosyante at ang mga ordinaryong mamamayan na sa bandang huli ay sila ang higit na apektado sa epekto ng mga bagong buwis.
Sakop dito ang mga online shopping platforms kagaya ng Shopee at Lazada, mga food delivery provider na Grab at Foodpanda, at mga mobile wallets GCash at Maya.
- Latest