DOH: 12-23 taon kailangan bago mapunan shortage ng doktor, nurse sa Pilipinas
MANILA, Philippines — Sa laki ng kakulangan ng mga nars at doktor sa Pilipinas, maaaring umaabot ng hanggang 23 taon daw bago mapunan ito kung bilang ng napapatapos ang titignan, ayon sa huling pahayag ng Department of Health nitong Huwebes.
Lumabas kasi sa pagdinig ng House committee on appropriations na kakailanganin ng 114,000 doktor at 127,000 nurses ng Pilipinas upang mabigyan ng "optimal healthcare" ang mga Pinoy.
"We have a total demand of 189,548 for physicians, and the gap would be 114,000. For nurses, we have a demand of 300,708, and we have a variance or a gap of 127,000," sagot ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kay Rep. Stella Quimbo (Marikina 2nd District).
"Annually, we have a total of 4,378 per year for physicians. For nurses, we produce around 10,635 on average per year... [It would be] 12 years for the nurses and 23 years for doctors [before we fill in our gap based on these figures]."
Kilala ang Pilipinas bilang isa sa top suppliers ng nurses atbp. healthcare workers sa ibayong dagat. Sa kabila nito, nakararanas ang bansa ng kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan—marami sa kanila nangingibang-bansa para maghanap ng mas mataas na sweldo.
'Bigyan sila ng dahilan manatili sa Pilipinas'
Nobyembre 2022 lang nang ihain ng Malasakit at Bayanihan party-list ang House Bill 6232, bagay na mag-o-obliga sa mga pumasa ng medical board exams na magtrabaho ng isang taon sa government hospitals o health facilities bago isyuhan ng certificate of registration.
Matapos nito, at saka lang sila makapipiling magpunta ng abroad kung kanilang nanaisin.
"Nakikita naman natin ang magandang intensyon ng pagsusulong ng one-year mandatory medical service bago sila makapaghanap ng trabaho sa ibang bansa," wika ni Sen. Ramon "Bong" Revilla.
"Ito ay para hindi rin tayo mawalan ng tatakbuhan kung sakali man maulit na naman ang katulad nitong pandemya. Pero naniniwala ako na sa halip na magkapilitan at pigilan sila, mas maganda na kusa nilang piliin na hindi umalis."
Kaysa bawalan umalis, mas mainam daw na bigyan sila nang mas maraming dahilan para manatili sa Pilipinas gaya ng dagdag na oportunidad na magkaroon ng maayos na trabaho at sapat na sahod.
Sinasabing nakakukuha lang ng P12,000 kada buwan ang ilang healthcare workers sa mga pribadong ospital. Nakakukuha ng salary grade 15 o P35,000 lang ang mga nasa state-run institutions.
Una nang iginigiit ng Filipino Nurses United ang entry salary na P50,000 kada buwan.
"'Yung iba, sila pa mismo ang mga nagbabayad sa mga ospital para lang makapag-training kahit wala namang kasiguraduhan na matatanggap sila. Tapos pipigilan natin maghanapbuhay dahil nagkataon na sa ibang bansa sila natanggap?" sabi ni Revilla.
"They have already proven this time and again, especially during the pandemic that we went through. Kaya dapat natin siguruhin na makapagpasa tayo ng mga batas na makakapagtaas ng antas ng kanilang pamumuhay."
Una nang inihain ng senador ang Senate Bill 1429 na magbibigay ng institutionalized benefits para sa lahat ng healthcare workers sa gobyerno at pribadong sektor.
Kabilang na riyan ang 20% diskwento at exemption mula sa value-added tax sa pagbili ng gamot gaya ng sa influenza at pneumococcal vaccines, pati na ang essential medical supplies at kagamitan.
Matatandaang ang actor-turned-legislator din ang nagsulong ng Republic Act 11701 na siyang nagbibigay ng night shift differential pay sa government employees gaya ng public healthcare workers na ginagabi. Nakatatanggap na sila ng dagdag na bayad na hindi lalagpas sa 20% ng kanilang hourly basic rate.
- Latest