EVAP pabor sa insentiba para sa e-motorcycles
MANILA, Philippines – Suportado ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) ang pagbibigay insentiba para sa mga electric motorcycles at ang lokal na produksyon nito sa hinaharap.
Sa isang panayam, sinabi ni EVAP President Edmund Araga na ang pagbibigay ng insentiba para sa mga electric motorcycles ay makakatulong sa pagtangkilik ng bansa sa mga EV.
Sinabi ito ni Araga nang matanong patungkol sa pahayag ng Department of Trade and Industry kung saan binanggit ng ahensiya na hiniling ng EVAP ang pagpapanatili ng taripa para sa mga e-jeepneys at e-tricycles.
Kinumpirma nito ang kanilang hiling sa DTI ngunit hindi raw kasama ang e-motorcycles sa kanilang hiling dahil wala pang mga lokal na produksiyon ng mga ito.
Inilabas ng gobyerno ng Pilipinas ang Executive Order No.12 series of 2023 noong Enero kung saan binabaan at tinanggal ang taripa para sa mga EV at mga piyesa nito sa loob ng unang limang taon, bukod sa mga e-motorcycle na mayroon pa ring 30% taripa.
"It will be welcome on our part kung bibigyan din sila [e-motorcycles] kung mabibigyan din sila ng exception. Kasi sa ngayon, wala pa talagang legit na makakagawa sa amin ng e-motorcycles, in particular. And that this would be a good opportunity...kung sakaling ipu-push ang e-motorcycles," saad ni Araga.
"Kung mag-iimport sila [dapat] mayroong direksyon o directives na maglolocalize sila in a number of years after importing the units para magkaroon naman ng job creations and the capabilities of Filipino craftmanship and skills, ma-enhance," dagdag nito.
Binanggit din ni Araga na suportado niya ang pagbibigay ng insentiba para sa mga e-motorcycles dahil mga motorsiklo pa rin ang pinaka sikat na moda ng transportasyon para sa mga Pilipino at mas mura ang mga ito kumpara sa mga sasakyan na may apat na gulong.
Ayon sa Statista Research Department, mayroong 7.81 milyon motorsiklo at mga tricycle na nakarehistro sa bansa, kumpara sa 1.27 milyon na rehistradong pribadong sasakyan.
Ilang mga kilalang tao na rin sa industriya ng transportasiyon ang nagbigay ng suporta para sa pagbibigay ng insentiba para sa mga e-motorcycles tulad ni Stratbase ADR Institute President Dindo Manhit na binanggit na hindi tama ang hindi pagbibigay ng insentiba para sa mga e-motorcycles.
Suportado rin ito ni Electric Kick Scooter of the Philippines President Tim Vargas at sinabi na ang pagpapakilala sa mga e-motorcycles ay bubuo ng panibagong industriya.
Naniniwala rin naman ang Philippine Business for Environmental Stewardship na dapat lamang ay magkaroon ng rebisyon sa EO dahil dapat daw ay inklusibo ito upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino pagdating sa patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina.
Ang EO12 ay magkakaroon ng posibleng rebisyon sa Pebrero 2024 na pangungunahan ng National Economic Development Authority.
- Latest