'Bukas na': Partial solar eclipse makikita sa Pilipinas sa ika-20 ng Abril
MANILA, Philippines — Bahagyang matatakpan ng buwan ang araw sa Huwebes, ika-20 ng Abril, kahit na tanghaling tapat ngayong inaasahan ng mga dalubhasa ang isang "partial solar eclipse" na siyang makikita sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa astronomical diary ng PAGASA, mangyayari ito kasabay ng "hybrid solar eclipse" na siyang maoobserbahan sa kanluran ng Australia, East Timor at silangang bahagi ng Indonesia.
"The hybrid solar eclipse cannot be observed in Manila. However, it can be observed as a partial solar eclipse, with the maximum eclipse of the Sun at 23.7% obscuration," wika ng PAGASA sa isang pahayag.
"The Partial Solar Eclipse begins at 11:44 a.m., with the maximum eclipse occurring at 12:55 p.m. and coming to an end at 02:04 p.m."
Sa ibang bahagi ng Pilipinas, pinakamaliit na bahagi ng araw ang matatakpan sa bandang Basco, Batanes (12%) bandang 12:54 p.m.
Gayunpaman, tinataya ang "maximum obscuration" na hanggang 58% sa Munisipalidad ng Saranggani sa parehong oras.
Ang isang "hybrid solar eclipse" ay pinaghalong annular at total solar eclipse. Tumutukoy ang annular solar eclipse sa pagharang ng buwan sa gitna ng araw na animo'y may butas ang huli sa gitna.
Tumutukoy naman ang total solar eclipse sa buong-buong pagtakip ng buwan sa araw.
Kaiba sa solar eclipse, tumutukoy naman ang lunar eclipse sa pagharang ng daigdig (earth) sa buwan dahilan para magkaroon ng anino ng planeta sa ibabaw ng satellite. — James Relativo
- Latest