ID, sunog na damit ng Degamo ‘gunmen’, nahukay ng CIDG
MANILA, Philippines — Natagpuan ng Joint Task Force (JTF) sa sugar mill ni dating Negros Oriental governor Pryde Henry Teves ang mga identification cards, sunog na damit at ilang dokumento na pagmamay-ari ng mga suspek na bumaril at pumatay kay Gov. Roel Degamo at sa walong iba pa sa bahay nito sa Brgy. San Isidro, Pamplona.
Ayon sa JTF, Huwebes ng gabi nang madiskubre ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga personal na gamit ng mga gunmen sa 50 ektaryang compound ni Teves.
Marso 24 pa nang simulan ng CIDG ang paghahalughog sa sugar mill compound ni Teves sa Sta. Catalina, Negros Oriental.
Nabatid sa JTF, nakuha rin ang silencer, soldering iron, flash drive, rifle cleaning equipment, caliber .45 cartridges, Swiss knife, at tucker stapler.
Una nang nahukay ng mga awtoridad ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog bukod pa sa cash na umaabot sa P18 milyon.
Sa sunod na araw, karagdagang mga improvised explosives device at rocket-propelled grenade ang nakuha gamit ang backhoe.
Gayunman, nanindigan si Teves na hindi kanya ang mga armas at nagtataka rin umano siya kung paano nagkaroon nito sa kanyang compound.
Sinabi rin nito na handa siyang makipagtulungan at handa siyang magbigay ng waiver upang buksan ang kanyang mga bank accounts.
- Latest