Natirang krudo sa MT Princess Empress, ipapahigop sa marine salvage contractor
MANILA, Philippines — Plano ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ipahigop ang natitirang krudo mula sa lumubog na MT Princess Empress upang mapatigil ang pagtagas nito sa karagatan.
Ayon sa NDRMMC, ito ang isa sa mga napag-usapan sa isinagawang full council meeting sa Camp Aguinaldo bilang tugon sa oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Nabatid na balak ng NDRRMC na umupa ng kontratista para higupin ang natitirang krudo sa lumubog na barko.
Batay sa nakita ng Japanese Remotely Operated Vehicle (ROV), nakitang tumagas ang lahat ng walong compartment ng lumubog na barko na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Hindi pa mabatid kung ilang litro pa ng krudo ang natitira sa loob ng mga tumatagas na compartment.
Kaya prayoridad ngayon ng NDRRMC ang pagkontrata sa marine salvage company para sa bagging, sealing, at patching ng lahat ng tagas, at paghigop sa natitirang krudo.
- Latest