Pagsasabatas ng ‘no permit, no exam’ tinutulan ng Catholic schools
MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ng samahan ng mga Catholic schools sa bansa ang panukalang ipagbawal ang ‘no permit, no exam policy’ sa mga paaralan.
Umapela ang Catholic Educational Association in the Philippines (CEAP) sa mga mambabatas na huwag nang isabatas ang ‘No permit, No exam Prohibition Act.’
Ipinaliwanag ni CEAP Executive Director Jose Allan Arellano na sa tuition fee lamang umaasa ang mga pribadong paaralan upang magpatuloy ng operasyon.
Dito rin aniya sila kumukuha ng pampasweldo sa kanilang mga guro, pambili ng mga gamit sa mga paaralan at pagpapagawa ng mga gusali.
Hiniling din ng CEAP na pahintulutan silang makipag-dayalogo sa mga mambabatas kasama ang mga samahan ng mga pribadong paaralan at unibersidad, upang maipaabot naman ang kanilang panig hinggil sa isyu.
Nauna rito, inaprubahan ng kongreso ang Senate Bill 1359 o “No Permit, No Exam Prohibition Act” na nagbabawal sa mga pribado at pampublikong paaralan na hindi bigyan ng pagsusulit ang mga mag-aaral nang hindi pa nakakabayad ng matrikula at iba pang mga pagkakautang sa paaralan.
Ipinaliwanag ni Arellano na ang mga pampublikong paaralan ay tumatanggap ng tulong mula sa pondo ng gobyerno, subalit ang mga pribado at Katolikong paaralan ay nagpapatuloy lamang mula sa ibinabayad ng matrikula ng mga estudyante.
Sinabi pa ni Arellano na sa nakalipas na pandemya, may 800-pribadong paaralan na ang nagsara dahil sa kawalan ng mga nag-enroll na estudyante.
Ang CEAP ay binubuo ng may 1,500-Katolikong paaralan sa buong bansa at kabilang sa higit 12,000 pribadong paaralan.
- Latest